Unang araw pagpapatupad ng ECQ sa NCR, ramdam na

Unang araw pagpapatupad ng ECQ sa NCR, ramdam na

SA unang araw ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR), nilinaw ng pamahalaan na hindi pa ipagkakait ang operasyon at serbisyo  ng pampublikong transportasyon sa rehiyon.

Bagama’t limitado lang muna ang bilang ng passenger capacity na pinapayagan para sa mga motorista at mga pasahero, malaking tulong na rin ito para sa tuluy-tuloy na galaw ng publiko lalo na sa nasa kategorya ng essential workers o workforce (APOR).

Ang mga ito din ang tanging pinapayagan na makalabas-masok sa bawat border control points sa loob ng NCR gaya ng medical frontliners, mga empleyado at iba pang otorisadong indibidwal.

Pero para sa mga tinatawag na consumer APOR o non-APOR o yung mga bibili ng mga essential goods, maari silang gumamit ng pampublikong sasakyan pero sa loob lamang ng tinatawag na tiny bubble o sa kanilang lungsod o bayan lamang.

Pinatitiyak naman ng pamahalaan na kailangang walang makalusot sa ipinatutupad na minimum health protocols sa loob ng mga pampublikong sasakyan gaya ng physical distancing, pasusuot ng face mask at face shield.

Para sa unang araw ng ECQ sa Metro Manila at mga karatig lalawigan nito, ramdam na rin ang paghigpit sa mga ipinatutupad na checkpoints sa mga quarantine control points dahil sa mabusising pagsiyasat sa mga kailangang dokumento na magpapatunay na sila ay mga APOR o otorisadong lalabas ng tahanan at sa mga border points.

Sa Muntinlupa-San Pedro Laguna Exit, halos mabagal na rin ang galawan ng mga motorsiklo, pampubliko at pribadong sasakyan dahil sa mahigpit na QCP checkpoints.

Ayon sa mga nakatalagang mmga otoridad sa lugar, mayroon na rin silang pinabalik na mga pasahero at motorista na walang kaukulang dokumento gaya ng ID o certificate of employment.

Payo ngayon ng mga otoridad, kung wala lang ding gagawin na  importante, mas mainam anila na manatili nalang sa mga tahanan.

Samantala, nakikiusap naman ang pamunuan ng PNP sa publiko, habaan ang pasensiya sa loob ng dalawang linggong paghihigpit sa galaw ng tao, bagay na makatutulong aniya ito upang makontrol ang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa bansa.

BASAHIN: No vaccine, no cash aid sa ilalim ng ECQ, fake news—MMDA Abalos

SMNI NEWS