P1.3M halaga ng smuggled na sigarilyo, nasabat sa checkpoint sa Zaragoza—PRO3

P1.3M halaga ng smuggled na sigarilyo, nasabat sa checkpoint sa Zaragoza—PRO3

ARESTADO ang isang 42-anyos na drayber dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9211 o ang Anti-Tobacco Regulation Act of 2003.

Ayon sa report, habang nagsasagawa ng anti-criminality checkpoint ang mga tauhan ng Zaragoza MPS sa kahabaan ng San Antonio-Zaragoza Road, Brgy. Batitang, Zaragoza, isang puting Nissan Urban 350 ang kanilang pinahinto para sa routine check at nang ibinaba ng drayber ang bintana ay nakita ng mga pulis ang patung-patong na mga kahon ng sigarilyo.

Nang hanapan ng kaukulang dokumento ang mga sigarilyo ay walang naipakita ang drayber na kinilalang si Recardo Idoz, residente ng Lapaz, Tarlac.

Tinatayang aabot sa Php 1,350,000.00 ang kabuuang halaga ng 20 kahon ng Modern Red Cigarette, 25 kahon ng Modern Blue Cigarette, 20 kahon ng RGD Cigarette at 10 kahon ng Carnival Cigarette.

Binigyang-diin ni PRO3 Director PBGen.  Redrico Maranan ang kahalagahan ng mga checkpoints sa pagpapatupad ng batas para sa mabilis na pagkakahuli ng mga kriminal.

Pinaalalahanan din ni RD Maranan ang publiko na maging mapagmasid laban sa ilegal na distribusyon ng mga iba’t ibang produkto gaya ng sigarilyo, alinsunod sa patuloy na kampanya laban sa smuggling at iba pang ilegal na gawain.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter