Remulla: Bigo ang hustisya sa “War on Drugs”; Panelo: Mga opisyal nagsisinungaling

Remulla: Bigo ang hustisya sa “War on Drugs”; Panelo: Mga opisyal nagsisinungaling

KINUWESTYON ni dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang pahayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin Remulla na bigo ang justice system sa “War on Drugs” ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Giit niya, paano raw masasabi na bigo ang justice system ng bansa-gaya ng pinalalabas ni Remulla kung libu-libo na ang naparusahan sa ilalim ng batas?

At kung totoo ang mga sinabi ng ilang opisyal sa ginanap na pagdinig sa Senado, bakit hindi ito tugma sa naging pahayag mismo ni Pangulong Bongbong Marcos Jr?

“Failed? Eh ang ating mga hukuman ay buhay na buhay. Tignan mo na lang muna ‘yung bilanggo natin,” pahayag ni Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, sinabi ni Remulla na dumulog sa International Criminal Court (ICC) ang pamilya ng mga umano’y biktima ng extrajudicial killings. Aniya, walang hustisyang natanggap ang mga ito.

Pero giit ni Panelo, kung walang hustisya, bakit patuloy ang mga korte sa pagpapataw ng hatol sa mga nagkasala? At kung walang hustisya, bakit nasa likod ng rehas ang mga nahatulan sa ilalim ng batas?

“Susmaryosep! Ano bang tawag mo roon sa sinabi ko kanina? Libu-libo na nga ang na-prosecute natin, nakakulong na nga eh. Wala na kayong mapaglagyan! Dalawang presidente pa nga ang pinakulong natin eh, hindi ba?” ayon pa kay Panelo.

Binanggit ni Panelo na mismong ang ginanap na pagdinig sa Senado ang nagpatunay na may mga opisyal ng gobyerno na nagsisinungaling sa usapin ng ilegal na pag-aresto at pagdala kay dating Pangulong Duterte sa ICC sa The Hague, Netherlands.

“Habang totoo na hindi na kailangan ng mga hearing para malaman ang katotohanan. Kasi alam na natin. Pero nakatulong din ‘yung hearing. Bakit kanyo? Kasi na-validate ‘yung ating mga sapantaha, yung ating mga pagsususpetsa, at kung ano ang nakikita natin—na-validate mismo galing sa mga bibig ng mga opisyales na humarap doon. Nakita natin kung paano sila hirap na hirap magpaliwanag sa kanilang posisyon, nakita rin natin ang mga kontradisyon pagsasalungat-salungat ng kanilang mga pahayag,” paliwanag ng batikanng abogado.

Samantala, isa sa mga kontrobersyal na isyu na lumutang ay ang pahayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla tungkol sa umano’y “group effort” sa pag-aresto sa dating Pangulo.

Ayon kay Panelo, maging si Marcos Jr. ay halatang nagsisinungaling din.

Hindi aniya tugma ang mga pahayag at aksyon ni Marcos Jr. sa naging liham niya kay Vice President Sara Duterte—kung saan sinabi niyang hindi makikipagtulungan ang gobyerno ng Pilipinas sa imbestigasyon ng ICC laban kay dating Pangulong Duterte.

Gayunman, sa isinagawang pagdinig sa Senado, lumitaw ang mga detalye na nagpapakita ng iba pang mga naging hakbang ng ilang opisyal ng kasalukuyang administrasyon.

Ayon kay Panelo, ang mga testimonya sa pagdinig ay nagbigay ng paglilinaw sa mga naging proseso at desisyon kaugnay ng usapin sa ICC, na hindi ganap na naaayon sa naunang pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble