SA isang matapang at diretsahang pahayag sa media conference, sinabi ni Vice President Sara Duterte na hindi na maaaring maibalik sa Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte matapos ang pag-usad ng kaso laban sa kaniya sa International Criminal Court (ICC).
Sa kabila ng masalimuot na sitwasyon, nanawagan si Duterte sa publiko na mag-move on at pagtuunan ng pansin ang kinabukasan ng bansa.
“Pointless naman na mag — mag-harbor ako ng feelings about what happened. Hindi na siyang maibabalik. Hindi na mababalik si Pangulong Duterte sa Pilipinas. So, what we should do as a country is move on from what happened,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi rin ni VP Sara na tila walang saysay ang pagkakaroon ng galit o sama ng loob dahil hindi naman aniya pananagutin ng gobyerno ang mga nasa likod ng ilegal na pagkaaresto sa kaniyang ama.
Iyan ay kasunod na rin ng mga naging pahayag ng mga kalihim ng iba’t ibang departamento ng gobyerno sa ikinasang Senate investigation kaugnay sa nasabing insidente.
“Magalit man tayo, walang papupuntahan iyong galit natin. Dahil hindi naman ‘yan sila papanagutin ng pamahalaan eh. Nakikita niyo ‘yung mga sagot nila, wala na sa ayos, wala na sa rason, wala na sa common sense, wala na sa batas. Pero walang magagawa laban sa kanila,” ayon pa kay VP Sara.
VP Duterte, may hinalang may naglabas ng impormasyon sa ibang kampo tungkol sa kanilang pagpupulong sa Hong Kong
Inihayag naman ni VP Sara ang kaniyang hinala na may taong naglabas ng impormasyon mula sa kanilang hanay patungo sa kabilang kampo.
Kaugnay iyan sa isang meeting na isinagawa sa Hong Kong kung saan napag-usapan ang mga hakbang para sa pagbabalik ni dating Pangulong Duterte sa Pilipinas.
Dito, pumutok ang usap-usapan na aarestuhin ang dating Pangulo sa bisa ng warrant of arrest ng ICC.
“Hindi ko lang malaman, hindi ko matawag siguro na traitor, pero sigurado ako sa dami ng tao doon sa loob ng kwarto na iyon, ay meron talagang nagsasabi kung ano ang pinag-uusapan doon sa loob. Kung kanino nila sinasabi, hindi ko alam,” aniya.
Ayon sa bise, siya mismo ang nag-moderate ng naturang pagpupulong at direktang tinanong si dating Pangulong Duterte kung ano ang plano nito.
“Tinanong ko si President Duterte kung ano ang desisyon mo at ano ang gusto mong gawin. Ang sinabi niya, gusto ko umuwi sa Pilipinas. Hindi ako titira sa ibang bayan at hindi ako magtatago. Iyon ang sagot niya.”
“Kung may traitor man, malamang, dahil mayroong nagsabi mayroong traitor. Traitor siya siguro sa information, at binigay niya doon sa kabila but I don’t think mayroon siyang binigay na information na valuable din sa Philippine National Police dahil alam naman ng lahat hindi tinago ano, na uuwi si Pangulong Duterte at kung anong oras siya uuwi sa Pilipinas,” dagdag nito.
Mga ebidensiya ng ICC cases vs. FPRRD, kinuwestiyon ni VP Sara
Samantala, pinuna naman ni Vice President Duterte ang kakulangan ng matibay na ebidensiya sa mga kasong isinampa laban sa dating Pangulo sa ICC.
Aniya, sa kabila ng paulit-ulit na alegasyon ng libu-libo umanong biktima ng war on drugs, 43 kaso lamang ng umanong pagpatay ang naisampa sa korte.
“Nasaan na ang libu-libo na mga kaso na sinasabi ng ating mga complainants na crimes against humanity?
“Crimes against humanity is a serious accusation na lagi nilang paulit-ulit na sinasabi, 6,000, 9,000, 10,000, 40,000, 50,000 ang mga namatay. And they cannot even come up with 100 names ng mga namatay ng supposed war on drugs, which amounts to crimes against humanity. Hindi ko alam paano umabot ito sa isang kaso. Wala talaga silang ebidensya at all for murder or crimes against humanity,” giit nito.
Idinagdag pa ng pangalawang pangulo na nag-ugat ang mga kasong ito sa dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV, na aniya’y nakakuha ng mga kaalyado sa loob mismo ng pamahalaan para itulak ang mga akusasyon laban sa dating Pangulo.
Pilipinas, naging katatawanan sa buong mundo kasunod ng ginawa vs. FPRRD—VP Sara
Hindi maitago ng nakababatang Duterte ang kaniyang pagkadismaya sa desisyon ng gobyerno na pahintulutan ang isang foreign jurisdiction na litisin ang isang dating Pangulo ng Pilipinas.
“Nahihiya ako as a Filipino citizen. Nagiging katatawanan tayo ng buong mundo na merong isang bansa na binibigay ang kanyang citizen sa isang foreign jurisdiction, foreign organization. Hindi ginagawa iyan ng mga bansa,” aniya.
Ikinumpara pa niya ito sa mga kaso ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na nahahatulan sa ibang bansa.
Aniya, sa tuwing may OFW na nahaharap sa parusang kamatayan o matinding sentensiya, ginagawa ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat para mapauwi at mapatawad ito.
“Ito sa atin ngayon ay kabaliktaran. Akusado lang ng 43 cases, 43 counts of murder, ibinigay natin sa isang foreign jurisdiction without any legal basis at all. Nahihiya ako, humarap sa buong mundo na ganito mag-isip ang ibang mga kasamahan natin dyan sa bayan, ibang mga Pilipino,” dagdag ni VP Duterte.
Sa ngayon, patuloy na inaasikaso ni VP Sara sa The Hague, Netherlands ang defense team ni dating Pangulong Duterte na pangungunahan ni British-Israeli lawyer Atty. Nicholas Kaufman.
Una na niyang binigyang diin na bilang pangalawang pangulo, mayroon din siyang tungkulin sa dating Pangulo na isang Pilipino na kasalukuyang nakakulong sa ICC Detention Center.
Follow SMNI News on Rumble