Pagtatayo ng oil corporation para sa “Talampas ng Pilipinas” isinulong sa Senado

Pagtatayo ng oil corporation para sa “Talampas ng Pilipinas” isinulong sa Senado

ISINUSULONG ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang pagtatayo ng isang pambansang korporasyon na tututok sa paggalugad at paggamit ng yamang langis mula sa tinatawag niyang “Talampas ng Pilipinas.”

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2995, nais ni Tolentino na likhain ang Talampas ng Pilipinas Oil Corporation (TPOC) bilang tugon sa matagal nang problema ng bansa sa kakulangan sa enerhiya at sobrang pag-asa sa inaangkat na langis mula sa ibang bansa.

“Ang pagtatatag ng TPOC ang unang hakbang para mabawasan ang ating pagdepende sa mamahaling imported na krudo. Maaari nating gamitin ang Talampas ng Pilipinas upang tugunan ang ating pangangailangan sa enerhiya at kaunlaran,” ani Sen. Francis Tolentino.

Tinukoy ni Tolentino ang Talampas ng Pilipinas bilang isang malawak at mayamang rehiyon sa ilalim ng dagat, na opisyal nang idineklara at idineposito sa talaan ng International Seabed Authority noong Marso 27. Aniya, mas malawak at mas mayaman ito sa likas na yaman kumpara sa kasalukuyang Malampaya gas field sa Palawan.

“Ito ang pag-asa ng bansa para sa matagal nang problema sa enerhiya,” dagdag pa ng senador.

Mga datos sa kalagayan ng enerhiya sa bansa:

  • Umaabot sa 170 milyong bariles kada taon ang ini-import ng Pilipinas mula sa mga bansang tulad ng Saudi Arabia (80M), Kuwait (40M), Malaysia at Indonesia (30M), at Russia (20M);
  • Subalit, ang lokal na produksiyon ay nananatiling mababa—23,000 bariles kada araw lamang, karamihan ay mula sa Galoc oil field sa offshore Palawan;
  • Tinatayang aabot sa 200 milyong bariles ang kabuuang demand ng bansa ngayong taon.

“Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, naaapektuhan ang mamamayang Pilipino at ang industriya. Panahon na para kumilos at palakasin ang ating energy security,” giit ni Tolentino.

Ang panukalang batas na ito ay may kaakibat na Senate Bill No. 2996, na naglalayong lumikha naman ng Talampas ng Pilipinas Development Authority para sa mas malawak na pagpapaunlad ng rehiyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble