SA gitna ng krisis sa presyo ng bilihin at kalikasan, isinagawa ang makabuluhang Harvest Festival sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal.
Sa pangunguna ng Philippine Army at Tarlac Heritage Foundation, tampok dito ang ani ng gulay mula sa Jardin ng Lunas na layong palakasin ang seguridad sa pagkain at kalikasan.
Sa saliw ng musika at sayaw, inani ang talong, sitaw, upo, pechay, at okra mula sa hardin ng kampo—bahagi ng kampanyang Water is Life: Agri-Reforestation para sa food sustainability at climate action.
“Hindi lang po ito tungkol sa pagkain. Pinapangalagaan natin ang kalusugan ng sundalo, pamilya nila, at ang kalikasan,” wika ni BGen. Cerilo Balaoro, Jr. Commander, 2ID, Philippine Army.
Layunin din ng kampo na ipatupad ang proyekto sa Quezon at Bicol.
Para sa Tarlac Heritage Foundation, ang proyekto’y inclusive—benepisyaryo ang mga dependent ng sundalo, CAFGU, lokal na magsasaka, at dating rebelde.
“Lahat ng nagtatrabaho dito sa Jardin ng Lunas ay libre ang ani para sa sarili. Napakahalaga ng pagtutulungan,” ayon kay Isabel Cojuangco Suntay, Co-founder, Tarlac Heritage Foundation.
Maging kabataan ay hinihikayat sa proyekto bilang bahagi ng kampanyang pang-edukasyon ng kampo.
Inilunsad din ang “Gift of a Tree” Web App kung saan maaaring mag-donate para sa pagtatanim ng puno sa piling lokasyon. Bisitahin ang giftoftree.web.app para makilahok.