Maynila, Pilipinas – Kumpirmado ng Philippine National Police (PNP) na labindalawang (12) katao na ang nasawi sa mga insidenteng may kaugnayan sa nalalapit na eleksyon ngayong 2025, batay sa ulat na inilabas hanggang Abril 28, 2025.
Bukod sa mga nasawi, labing-anim (16) na iba pa ang naiulat na sugatan, na pawang may kaugnayan din sa political tensions o alitan sa pagitan ng mga kampo ng kandidato.
Sa kabila nito, may bahagyang positibong pag-unlad. Mula sa dating 36 lugar na nasa listahan ng election “areas of concern” noong unang quarter ng taon, bumaba na ito sa 34 na lugar ngayong Abril, ayon sa PNP.
Ayon sa mga awtoridad, patuloy ang mahigpit na pagbabantay sa mga lugar na may mataas na antas ng election-related violence (ERV), partikular sa mga probinsyang historically high-risk tuwing panahon ng halalan.
“Nananawagan kami ng kooperasyon mula sa publiko upang maisakatuparan ang mapayapa at ligtas na eleksyon,” pahayag ng PNP spokesperson sa isang media briefing.
Ang mga “areas of concern” ay karaniwang tinutukoy batay sa kasaysayan ng karahasan, presensya ng private armed groups, at matinding alitan sa pulitika sa lokal na antas.