JV Ejercito dismayado sa ‘di pagpapatuloy ng railway projects ng Duterte admin

JV Ejercito dismayado sa ‘di pagpapatuloy ng railway projects ng Duterte admin

DISMAYADO si Sen. JV Ejercito sa tila pagkabalam ng mga malalaking proyekto sa imprastraktura na isinulong sa ilalim ng “Build, Build, Build” program ng administrasyong Duterte, partikular na ang South Long Haul Railway patungong Bicol at ang Mindanao Railway System.

Sa isang press briefing, sinabi ni Ejercito na kung mabibigyan siya ng pagkakataon ay kaniyang ipapaabot mismo kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kaniyang saloobin ukol sa pagbagal ng mga proyektong ito.

“Hoping ako na sa natitirang tatlong taon, sana ma-fast track natin ang mga major infra projects. Sayang eh. Andami nating kailangang habulin sa mga kapitbahay natin sa Asia para maging competitive tayo,” saad ni Sen. JV Ejercito.

Ayon sa senador, ang mga proyekto gaya ng North-South Commuter Railway (NSCR), Metro Manila Subway, Mindanao Railway, at PNR South Long Haul ay mahalaga hindi lamang sa konektibidad kundi bilang pundasyon para sa paglikha ng trabaho at mas maraming oportunidad.

“Nung panahon ni Pangulong Duterte, na-defend ko ang budget ng DOTr. Nandoon ako sa sealing ng deals kasama ang Japan para sa NSCR at subway. Na-excite ako kasi mangyayari na, pero ngayon nabinbin ‘yung South Long Haul at Mindanao Railway,” aniya.

Sinabi rin ng senador na sa unang taon ng Marcos administration, umasa siyang magpapatuloy ang momentum sa ilalim ng islogang “Build Better More.” Subalit,

“Naka-zero budget pa nga ‘yung dalawang proyekto noong isang taon mula sa House, kaya kami sa Senado ang naglagay ng P200 million bawat isa para lang magpatuloy ang project management office. Para hindi tayo magsimula muli sa wala kung sakaling may bagong entity na papasok,” saad pa nito.

Giit niya, ang mga ganitong proyekto ang tunay na long-term investment ng bansa.

Bukod sa imprastruktura, nagpahayag din ng panghihinayang si Ejercito sa maagang bangayan sa administrasyon.

“Ang aga ng bangayan, one and a half years pa lang. Sayang ‘yung momentum, the biggest mandate ever from both president and vice president. Ngayon nauwi pa sa impeachment,” wika pa nito.

Sa huli, nanawagan si Ejercito na matapos agad ang isyu ng impeachment at muling tutukan ang mga problema ng bansa.

“Vietnam is already leaving us behind. Habang tayo, naka-stagnate. Sana matapos agad ito para makabalik na tayo sa trabaho,” aniya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble