BINURA na ng Commission on Elections (COMELEC) ang lahat ng files na may kaugnayan sa May 2025 midterm elections.
Pinangunahan ito ni Commissioner Rey Bulay, commissioner-in-charge ng Committee on Ballot Printing, ang pagbura ng datos sa mga server ng National Printing Office sa Quezon City.
Ayon sa poll body, kabilang sa mga binura ang soft copies ng official ballots, voter information sheets o VIS, mga re‑print ng ballot faces, at iba pang dokumentong ginamit sa final testing at sealing.
“Lahat ng soft copies ng ballot faces, bawat mukha ng papel na in-issue namin tulad ng official ballots, VIS, ginamit sa final testing and sealing, mga reprints, ay ine-erase natin sa database servers ng Comelec para zero lahat at di magagamit,” ayon kay Rey Bulay Commissioner-In-Charge, Committee on Ballot Printing, COMELEC.
Inaprubahan ang pagbura ng COMELEC En Banc sa pamamagitan ng isang resolusyon noong Mayo 27, ngayong taon.
Sa paliwanag ng Committee on Ballot Printing ng poll body, ang pagbura ng mga file sa National Printing Office ay hudyat ng pagtatapos ng responsibilidad ng naturang komite kaugnay ng May 12 elections.