INANUNSYO ng Sarangani Provincial Health Office na tatlong kaso ng Mpox Clade II ang kumpirmado sa bayan ng Alabel, probinsya ng Sarangani. Sa pakikipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) – Center for Health Development SOCCSKSARGEN, aktibo ang monitoring at medical care sa mga pasyente.
Ginagawa ang masusing contact tracing at community surveillance upang matukoy ang iba pang posibleng apektadong indibidwal na nakasalamuha ng mga pasyente. Pinayuhan ang publiko na maging alerto at makipag-ugnayan agad sa mga health units kung makaramdam ng mga sintomas.
Pinapayuhan ang mga may sintomas tulad ng:
Mga pantal o butlig sa mukha o katawan
Lagnat
Pamamaga ng kulani
Pananakit ng ulo o kalamnan
Na agad na magtungo sa pinakamalapit na Barangay Health Workers, Rural Health Units, o Municipal Epidemiology and Surveillance Units para sa agarang tulong.
Mahalaga ang pagsunod sa mga preventive measures:
Iwasan ang pakikipagkamay o pagyakap
Iwasang direktang ma-contact sa balat
Huwag gumamit ng tuwalya, kumot, utensils, kubyertos, o anumang personal items ng iba
Patuloy ang pagmo-monitor ng mga ahensya sa sitwasyon. Hinihikayat ang lahat na maging maingat, alerto, at palaging sumunod sa mga health protocols upang mapigilan ang pagkalat ng virus.