BINIGYANG linaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kumakalat na balita sa social media na hinaharangan umano ng ahensya ang gaganaping campaign rally ni VP Leni Robredo sa Macapagal Boulevard, Pasay City.
Kasabay sa campaign rally ang kaarawan ni Robredo na gaganapin ngayong Sabado, Abril 23.
Ayon sa ahensiya, bahagyang isinara nila ang naturang lugar dahil sa napakalaking entablado na gagamitin kung saan isang lane na lamang ang madadaanan.
Isasara ito sa mismong araw ng rally dahil ito ay ganap na sasakupin ng mga tagasuporta ni Robredo at kinabukasan Linggo, muli itong isasara para bigyang-daan ang pagbuwag sa entablado.
Paglilinaw pa ng ahensya, ang traffic plan ay sinang-ayunan ng organizer nito at ng lokal na pamahalaan ng Pasay.
Kinumpirma pa ng MMDA na ang kanilang tanging partisipasyon lamang ay traffic management at pagbibigay anunsyo sa mga motorista upang maiwasan ang pagdagsa ng mga sasakyan sa lugar.
Iginiit pa ng MMDA, hindi pinapayagan ang mga gawaing pampulitika sa mga pangunahing kalsada tuwing karaniwang araw.
Pero nagparaya raw ang ahensya para hindi maakusahan dahil sa pagiging bias nito.
Ayon sa ahensiya, ang mga akusasyon ay kabaligtaran at hindi patas at dapat ipaliwanag anila ito ng organizer ng nasabing event sa kanilang mga tagasuporta upang mabigyang-linaw.