NAG-courtesy call ngayong araw kay Vice President-elect Sara Duterte ang foreign delegation mula sa pitong bansa na ginawa sa Sofitel Philippine Plaza Manila sa Pasay City.
Unang nag-courtesy call kay VP-elect Sara Duterte si Romanian Ambassador Răduţa Dana Matache kasama ang iba pang delegado nito.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang dalawa ay nagpahayag ng pagiging bukas sa hinaharap na pakikipagtulungan at pakikipag-ugnayan sa larangan ng edukasyon at umaasa sa higit pang pagpapahusay ng Philippine-Romanian bilateral relations.
Kasunod naman na hinarap ni VP-elect Duterte si French Ambassador Michéle Boccoz kasama ang delegasyon nito.
Tinalakay ng dalawa ang may kaugnayan sa mutual interests, partikular na sa post-pandemic recovery, edukasyon, at peace-building process sa Pilipinas.
Ikatlong foreign delegation ay mula sa Estados Unidos na pinangunahan ni United States’ Second Gentleman Douglas Craig Emhoff.
Sa pag-uusap, sinabi ng kagawaran na binati ni Second Gentlemen Emhoff si VP-elect sa kanyang napakalaking tagumpay, gayundin ang kanyang nominasyon bilang kalihim ng edukasyon.
Binigyang-diin din sa kanilang pangako ang pagpalalakas ng relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Nagpalitan din sila ng kuru-kuro sa mga isyu ng mutual interest, lalo na sa edukasyon at ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan ng kabataan sa pulitika at kababaihan sa pamumuno.
Inaasahan naman ni VP-elect na ipagpapatuloy ang kanyang pakikipag-ugnayan sa U.S. sa larangan ng edukasyon sa mga nakaplanong pagbisita nito sa Washington DC at New York sa Setyembre 2022.
Ikaapat na delegasyon naman mula sa Japan ang hinarap ni incoming VP-elect na pinangunahan ni Japanese Foreign Minister Hayashi Yoshimasa kasama nina Minister and Deputy Chief of Mission Yamamoto Yasushi ng Embassy of Japan at iba pa.
Ibinahagi ng Foreign Minister ang kanyang mga karanasan sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno kabilang ang pagiging Ministro ng agrikultura, defense, edukasyon, at kalakalan.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si VP Duterte sa pagbisita ng foreign minister, at kapwa kinilala ang matatag na bilateral relation sa pagitan ng Japan at Pilipinas.
Nagpahayag din sila ng pag-asa na ang golden age ng relasyong itinatag noong panahong termino ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay lalago sa isang platinum age sa ilalim ng susunod na administrasyon.
Ikalimang foreign delegation ang hinarap ni VP Sara ay si Deputy Minister of Foreign Affairs Phoxay Khaykhamphithoune ng Lao People’s Democratic Republic kasama ang maybahay nito at delegasyon.
Tinalakay ng dalawa ang mga isyu kaugnay sa larangan ng edukasyon, kalusugan, turismo, at kalakalan.
Pinuri naman ng Lao Special Envoy ang mga programa sa turismo at edukasyon ng Pilipinas.
Nagpahayag ng interes ang Laos na matuto sila mula sa mga modelo at istratehiya ng Pilipinas kaugnay dito.
Samantala kasunod nito, pinangunahan naman ni Socialist Republic of Viet Nam Vice President VÕ Thị Ánh Xuân ang delegasyon nito sa pagbisita kay incoming Vice President Inday Sara Duterte.
Huling bumisita naman na tinanggap ngayon araw ni VP Sara sa Sofitel Philippine Plaza Manila ang Chinese delegation na pinangunahan ni People’s Republic of China Vice President Wang Qishan.
Nagpapasalamat naman si VP Duterte sa pagbisita ng mga foreign Delegation ngayong araw.
Ang mga nabanggit na delegasyon ang mga inaasahan ding dadalo sa inagurasyon ni incoming President Ferdinand Bongbong Marcos.
BASAHIN: VP-elect Sara Duterte, tatanggap ng magkakasunod na courtesy call ngayong araw