UNAHIN ang pagbili ng firetruck imbis na mga armas para sa firefighters.
Ito ang sinabi ni Senate Minority Floor Leader Koko Pimentel sa naging Senate Finance Committee hearing sa ipinanukalang 2023 budget para sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon sa senador, mas praktikal na unahin ang firetruck kumpara sa pagkakaroon ng armas.
Sinabi rin ni Sen. Nancy Binay na maaari namang lapitan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang Philippine National Police para tugunan ang public order concerns tuwing fire rescue operations.
Nauna nang hiniling ng Department of Budget and Management (DBM) na ipagpaliban na muna ng BFP ang ilalaang pondo para sa firearms procurement dahil walang sapat na pera.
Subalit sinabi ni BFP Chief Director Louie Puracan na may 94 million pesos na savings sila mula sa fire truck procurement at kung papayagan ng DBM ay ito na lang ang gagamitin.
Sa tansya, hanggang 45 million pesos lang ang kinakailangan para sa firearms procurement.
2021 nang nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang BFP Modernization Act na siyang nagpapahintulot sa mga firefighter na magdala ng armas tuwing may operations.