Pangulong Marcos at VP Sara, magkasama sa tourism event ngayong araw

Pangulong Marcos at VP Sara, magkasama sa tourism event ngayong araw

MAKAKASAMA ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. si Vice President Sara Duterte sa isang tourism event ngayong araw.

Base ito sa inilabas na advisory ng Palasyo para sa magiging aktibidad ni Pangulong  Marcos ngayong araw.

Nakatakdang ganapin ang Philippine Tourism Industry Convergence Reception mamayang hapon sa isang convention center sa Pasay City.

Dadaluhan ni Pangulong Bongbong Marcos ang naturang event kasama si Vice President Sara Duterte.

Bukod kay VP Sara, makakasama rin ni Pangulong Marcos si Tourism Secretary Christina Garcia Frasco.

Ang Department of Tourism ang magiging punong abala sa nasabing okasyon.

Sa naturang aktibidad, inaasahang magkakaroon ng “Unity Toast”para sa Philippine Tourism at isasagawa rin ang “Pasigarbo sa Sugbo” Cultural Performances.

Magkakaroon din ng video presentation kung saan tampok ang Cebu bilang Model for Local Tourism Governance.

Ang Philippine Tourism Industry Convergence Reception event ay bahagi ng hakbang na mapalakas ang turismo ng bansa.

Pagnanais na rin ito ng Pangulo na magkaroon ng maraming tourism-driven infrastructure projects at mapalakas pa ang mga polisiya para sa sektor ng turismo.

Gaya ng nakagawian, inaasahan ding magbibigay ng kanyang mensahe si Pangulong Marcos sa dadaluhang tourism event.

BASAHIN: Mga tourism kiosk, ipatatayo sa mga kilalang mall sa bansa -Department of Tourism Sec. Christina Garcia Frasco

Follow SMNI NEWS in Twitter