SMNI News Team, binisita ang mga kilalang tourist spot sa Thailand

SMNI News Team, binisita ang mga kilalang tourist spot sa Thailand

KASABAY ng pagbabalik ng turismo sa bansang Thailand ay binisita ng SMNI News Team ang ilan sa mga pinupuntahang tourist spot.

Ayon sa travel site na Travel Talk, ang bansang Thailand ay ang paboritong pinupuntahan ng mga mamamayan mula sa Asya, Europa at Estados Unidos.

Kaya hindi na nakapagtataka ang maraming bilang ng direct flights na dumadating sa paliparan ng Thailand.

Mula sa nakamamanghang likas na kagandahan ng katubigan, struktura, kasaysayan, pagkain at kultura, tiyak na hindi mo palalampasin ang pagkakataon na mabisita ang bansang binansagang ‘The Land of Smiles.’

Sa katunayan nito, sa katatapos lang na survey ng 29th Travel Awards sa Muscat, Oman, isa ang bansang Thailand sa mga nominado bilang ‘World’s Leading Beach Destination’, kung saan nanalo dito sa kauna-unahang pagkakataon ang Pilipinas.

Gayunpaman, hindi ito malayong maabot ng bansang Thailand ngayong malaya nang nakakakilos ang lahat matapos ang halos 3 taong pananalasa ng pandemya dulot ng COVID-19.

Hanggang ngayon kasi, hindi pa rin nawawala ang kagandahang asal at magandang pakikitungo ng mga tao sa lugar, mga beach at isla at pati na rin ang maraming sagradong mga templo, at marami pang iba.

Pero kagaya ng ibang lugar sa mundo, hindi rin nakaligtas ang bansang Thailand sa hagupit ng pananalasa ng COVID-19.

Kagaya ng iba pang mga bansa sa mundo ay pinadapa ng COVID-19 pandemic ang ekonomiya ng Thailand dulot ng mga ipinatupad na mga lockdown at pansamantalang pagpapasara ng mga business establishments.

Pero ngayon na unti-unti nang bumabalik sa normal ang lahat, muli na namang kumulay ang pamumuhay ng mga Thai.

Naggagandahang tanawin sa Thailand

Sa pag-iikot ng SMNI Newsteam sa ilang lugar sa Thailand, tiyak na malulula ka sa dami ng mga naggagandahang tanawin sa lugar.

Kaya confirmed, maraming turista, mapalokal man o banyaga, senyales na bumabalik na sa dati ang turismo ng bansa.

Isa sa mga exciting na parte ng biyahe ang nakakaaliw na railway market ng Maeklong.

Railway market ng Maeklong

Kakaiba ang lugar, dahil imbes na solong istasyon lamang ito ng tren, abay, pwede rin pala itong gawing palengke sa gilid ng riles?

Oo, hindi kayo nagkakamali, sa gilid ng riles ng tren. Sa umpisa matatakot ka dahil sa lokasyon ng pamilihan pero kalauna’y mag-i-enjoy mo na rin lalo na kung paparating na ang tren, at makikita mo ang nagmamadaling pagtiklop ng tindahan ‘in an instant’.

Ginagawa ito upang makadaan ang tren nang hindi nasisira ang kanilang mga paninda.

Matagal nang nagsilbing atraksiyon ito sa mga turista sa Thailand, kung kayat ano pang hinihintay niyo. Book na sa Thailand!!!

But wait, there’s more…!!!!!

Floating market

Isa sa pinakapopular na lugar kung saan matatagpuan ang isang floating market ang aming pinasyalan. Kung sa Pilipinas, sanay tayo na nilalakad ang pamimili ng mga gamit, pagkain at mga damit dito sa Thailand, sikat na sikat lalo na sa mga turista ang floating market.

Dahil floating nga, kinakailangan mong sumakay ng kanilang bangka para maikot mo ang lugar hanggang sa mayat maya ay makakasalubong mo na ang mga produkto nila dito.

Batay sa kasaysayan ng Thailand, bukod sa main roads, isa sa hindi pa rin namamatay na mode of transportation nila ang bangka.

Pinakamabilis na paraan nila ito para ibiyahe ang kanilang mga produkto o kalakal.

Bukod sa Thailand, kilala rin ang floating market sa Indonesia at Vietnam.

Elepante, simbolo ng katatagan ng mga Thai

Kung sa Pilipinas, ang kalabaw ang ating pambansang hayop. Dito sa Thailand, ay elepante naman.

Ayon sa bansa, sumisimbolo ito ng katatagan sa anumang hamon sa pamumuhay ng mga Thai.

Sa wakas, nakasakay na rin ako, may kaunting kaba dahil sa sobrang laki ng elepante at magalaw habang ikaw ay nakasakay pero habang tumatagal ka sa likod niya ay maienjoy mo na rin dahil sa mabait naman sila, sa tulong na rin ng mga handler nito.

Ayon sa isa sa mga kilalang professional tour guide sa Bangkok, aminado siyang halos dumapa ang ekonomiya ng bansang Thailand dahil sa sunud-sunod na dagok dulot ng COVID-19, lalo na sa industriya ng turismo.

Pero ngayong nagiging normal na ang lahat, ikinatutuwa naman ito ng mga katulad niyang tour guide dahil sa pagtaas ng bilang ng mga nagtutungo uli sa bansa.

Malaking tulong din ang katatapos lang na pagdaraos ng APEC Summit sa Thailand matapos itong daluhan ng iba’t ibang world leaders na tiyak na may malaking tulong sa pagbubukas ng mga oportunidad para sa kanila at maging sa karatig-bansa nito sa rehiyon ng Asya.

So ano na, wag nang magpatumpik-tumpik pa, puntahan na ang bansang Thailand at kilalanin ang kanilang makulay at mayamang kultura.

 

Follow SMNI News on Twitter