Sen Tulfo, nabahala sa kalagayan ng mga tao sa resettlement areas

Sen Tulfo, nabahala sa kalagayan ng mga tao sa resettlement areas

BINIGYANG-diin ni Senator Idol Raffy Tulfo na dapat ay may sapat na plano ang gobyerno para matiyak na maayos ang bahay at lokasyon na paglilipatan ng mga informal settlers.

Sa pakikipag-usap sa National Housing Authority (NHA) at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) kahapon, inilarawan ni Tulfo ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga mahihirap na ni-relocate sa mga lugar na walang kuryente o linya ng tubig, walang maayos na kalsada, at sira-sirang bahay.

Aniya, dapat nakikipag-ugnayan ang mga ahensyang may kinalaman sa pabahay sa mga utility companies para masiguradong maayos ang mga pabahay.

“May mga reklamo akong natatanggap mula sa mga mahihirap nating mga kababayan na ang mga bahay na pinaglipatan sa kanila ay walang kuryente, walang tubig, hindi maayos ang sewage system, sira-sira ang dingding, tumutulo ang bubong at malamok,” ani Sen. Tulfo.

“Minsan mas mabuti pa nga ang mga tangkal ng mga baboy: may kuryente, may tubig, may tamang ventilation. Ang mga tao sa mga resettlement areas, kawawang-kawawa,” saad ni Tulfo.

Sinabi ni Tulfo na dapat ay tanggalin na ang minimum na bilang ng tao na nire-require ng utility companies bago magkabit ng linya ng tubig o kuryente dahil ito ang dinadahilan nila kung bakit hindi makabitan ng linya ang ilang komunidad.

Samantala, iminungkahi naman ng senador na gamitin ang National ID system para madaling makilala ang mga informal settler families at professional squatters na sinasamantala ang government housing program.

Ibinahagi niya na may mga propesyonal na squatters na nagbebenta ng ari-arian na iginawad sa kanila bago maghanap na naman ng ibang malilipatan na tirahan.

Dagdag ng mambabatas, dapat maglagay ng mga barangay at police outposts sa mga resettlement areas upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan at maiwasan ang mga krimen sa komunidad.

Follow SMNI NEWS in Twitter