POSIBLENG makasuhan ang administrator ng MARINA at iba pa kaugnay sa paglubog ng MT Princess Empress.
Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na hindi pa tapos at may iba pang mga opisyal na makakasuhan sa mga susunod na linggo, kaugnay sa naganap na oil spill.
Magugunitang lumubog ang barkong MT Princess Empress sa karagatan ng Oriental Mindoro noong February 28 na nagdulot ng oil spill o pagtagas ng 800,000 litro ng industrial oil na kumalat sa karagatan ng Naujan Oriental Mindoro at sa mga kalapit baybayin ng lalawigan tulad ng Antique at Palawan.
Sinabi ni DOJ Undersecretary Raul Vasquez na lumitaw sa imbestigasyon na dalawang regional officers ng MARINA sa Bicol Region ang lumagda sa mga pinekeng dokumento ng RDC na may-ari ng barko.
Kaugnay nito ay nilinaw naman ni Vasquez na hindi pa nagtatapos sa mga opisyal ng MARINA – Region 5 ang imbestigasyon dahil hindi pa lusot ang administrator ng MARINA at mga opisyal ng Philippine Coast Guard na posibleng masampahan din ng kaso.