NAARESTO ng mga awtoridad ang tatlong suspek at nabuwag ang isang drug den matapos ang ginawang buy-bust operation.
Ito’y sa pinagsanib-puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency – Pangasinan Provincial Office (PDEA-PPO), PDEA-Seaport Interdiction Unit II (PDEA-SIU II), Pangasinan Police Provincial Office (PPPO), at Dagupan City Police Station sa Sitio Guam, Brgy. Pantal Norte, Dagupan City, Pangasinan.
Kinilala naman ni PDEA-Regional 1 Director III Joel B. Plaza ang mga suspek na tinuturing na nag-ooperate ng nasabing drug den, sina Arvin C. Velasquez, Richmond D. Mostoles, at Reynante Valerio.
Nakuha mula sa kanila ang 13 piraso ng plastic sachet na naglalaman ng hinihinalaang shabu na humigit-kumulang 12 gramo na aabot sa mahigit P80,000 ang halaga.
Kabilang ang isang itim na garbage bag na naglalaman ng marijuana na may bigat na 50 gramo na nagkakahalaga ng P3,750.00, 2 mobile phones, isang timbangan, sari-saring drug paraphernalia, at ang buy-bust money.
Samantala, inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga nahuling suspek.
