NAGPAPATULOY ang paghahatid ng agarang tulong ng mga ahensya ng pamahalaan sa mga kababayan na nasalanta ng Bagyong Paeng sa iba’t ibang rehiyon ayon sa Office of the Press Secretary (OPS).
Patuloy rin ang ginagawang rescue operations ng Philippine Army at Philippine National Police (PNP) sa Cavite, Laguna, Bicol, Mindanao, at iba pang lugar na tinamaan ng bagyo.
Relief operations at pamamahagi ng tulong pinansyal naman ang naging pagtugon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Inihayag pa ng OPS na tuluy-tuloy rin ang pagtulong ng mga magigiting na tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pagrerepack ng relief goods.
Bukod dito, nagsagawa rin ng aerial inspection ang PCG sa Maguindanao partikular sa ‘ground zero’, ang Datu Odin, Sinsuat nitong Oktubre 30.
Tuloy rin ang rescue at retrieval operations ng PCG para hanapin ang iba pang nawawalang residente sa nasabing lugar.