PINANGANGAMBAHAN ngayon ng ilang agricultural groups na posibleng mas malala pa ang epekto ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) sa agrikultura kaysa sa inaasahang pagtama ng El Niño phenomenon sa bansa.
Nagbabala ang ilang agricultural groups sa nalalapit na implementasyon ng RCEP na magiging epektibo sa Hunyo 2.
Ang RCEP ay isang free trade agreement sa pagitan ng mga bansa sa Asya at karatig rehiyon kung saan binabawasan o inaalis ang taripa ng mga imported agricultural product.
Kabilang sa mga bansa na lumahok sa RCEP ay Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, Thailand, at Vietnam na pawang bumubuo sa Association of Southeast Asian Nation (ASEAN).
Kasama rin ang iba pang partner countries na Australia, China, Japan, South Korea, at New Zealand.
Ayon kay Federation of Free-Farmers Board Chairman Leonardo Montemayor, mahalagang bantayan ang mga commitment na nakasaad sa Senate Resolution 42.
Kabilang ang sapat na tulong sa mga magsasaka upang mas maging competitive ang kanilang mga produkto, dagdag na pondo sa agri-sector.
Gayundin ang pagsasagawa ng inspeksiyon sa mga pasilidad sa Bureau of Customs (BOC) upang matiyak na ligtas sa sakit ang mga imported products at pagtatayo ng mga imprastraktura.
Punto ni Montemayor, sa oras hindi ito maisakatuparan ay posibleng mas malala pa ang maidudulot na epekto ng RCEP sa mga magsasaka kaysa sa El Niño.
Ikinatatakot din ng grupo ang posibilidad na hindi mabenta ang mga lokal na produkto dahil hindi ito makasabay sa presyo ng mga imported products.
Pinangangambahan ng grupo na posibleng bumuhos ang imported agricultural products na maaaring ikalugi naman ng mga lokal na magsasaka dahil sa hindi makasabay sa mababang presyo.
Kaya naman, itinutulak din ng grupo ang Buy Pilipino Campaign o ang panawagan para tangkilikin ang mga produkto ng mga Pilipino lalo na ang agricultural products.
Iminumungkahi naman ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Incorporated (PCAFI) na dapat higpitan ang mga pumapasok na imported products sa bansa.
Partikular na tinukoy ni PCAFI President Danilo Fausto ang label ng mga imported products.
DTI, nanindigan na handa na ang kanilang mga plano at estratehiya para sa pagpapatupad ng RCEP
Gayunpaman, sinasabi ng mga grupo na dapat nang isumite ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga plano at estratehiya.
Pero, sinabi naman ni Trade Industry Assistant Secretary Allen Gepty na nakalatag na ang kanilang mga estratehiya para sa pagpapatupad ng RCEP.
“We are mindful naman doon sa mga conditions na nakalagay sa Senate Resolution. So ‘yung DTI, Department of Agriculture in particular kasi maraming concerns sa DA lalo na sa monitoring. The same is being undertaken by concerned agencies. So, tuluy-tuloy po ‘yan, talagang whole-of-government approach ito,” saad ni Asec. Allen Gepty, Department of Trade and Industry.