KILALANG “Godfather ng AI” na si Geoffrey Hinton umalis na sa Google at nagbigay ng babala tungkol sa panganib na dala ng learning machine.
Umalis na sa Google si Dr. Geoffrey Hinton kasama ang dalawa niyang esudyante sa unibersidad ng Toronto dahil nababahala umano ito sa panganib na dala ng mga learning machine.
Si Dr. Geoffrey Hinton ay kilala sa tawag na Godfather ng AI, kung saan umalis siya sa Google upang malayang makapagsalita tungkol sa panganib ng AI.
Isang dekada na ang nakalipas simula nang tumulong siya sa pagbuo ng AI technology ng Google company.
Pinangunahan niya ang pananaliksik ng mga kasalukuyang sistema tulad ng ChatGPT.
Ayon sa New York Times, noong nakaraang taon ay naniniwala si Hinton na ang Google ay isang “proper steward” ng technology, ngunit nagbago iyon nang magsimulang isama ng Microsoft ang isang chatbot sa Bing search engine nito, at nagsimula nang mag-alala ang kompanya tungkol sa panganib na dala ng search business.
Ayon kay Hinton, ang isa sa mga panganib ng AI chatbots ay posibleng maging mas matalino ito kaysa sa mga tao at maaaring pagsamantalahan ng mga masasamang tao kung hindi ito maihinto kaagad.
Dagdag pa niya, ang pag-aalala niya noon ay nagkatotoo na ngayon, sapagkat hindi na maunawaan ng tao kung alin ang totoo sa mga larawan, video at text na binuo ng AI na ngayon ay lumalabas sa internet.
Ang pag-upgrade kamakailan sa mga image generator tulad ng Midjourney ay nangangahulugan na ang mga tao ay maaari na ngayong gumawa ng mga larawang mukhang makatotohanan.
Isa rin sa inaalala ni Hinton, ay posibleng palitan ng AI ang mga trabaho tulad ng paralegals, personal assistant at iba pang trabaho sa hinaharap.