AKAP at iba pang programa ng DSWD, nakakuha ng exemption para sa election spending ban mula sa COMELEC

AKAP at iba pang programa ng DSWD, nakakuha ng exemption para sa election spending ban mula sa COMELEC

APRUBADO na sa Commission on Elections (COMELEC) ang hirit na exemption ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa election spending ban.

28 na programa ng ahensiya ang nakakuha ng exemption, kabilang na rito ang kontrobersiyal na Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) na may exempted amount na halos P900M.

Kasama rin sa na-exempt ay ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na may exempted amount naman na mahigit P7.5B.

Batay sa Omnibus Election Code, bawal ang paggastos ng pondo para sa social services, 45 araw bago ang regular na eleksiyon.

Ang mga ahensiya ng gobyerno, kailangang makakuha ng certification of exemption para makapagpatuloy ang kanilang programa sa kabila ng spending ban gaya ng nakasulat sa COMELEC Resolution 11060.

Pero mahigpit ang kondisyon ni COMELEC Chairman George Garcia sa DSWD, kasunod ng naigawad nilang exemption.

COMELEC sa exemption ng DSWD Programs sa spending ban: Dapat walang kandidato o politiko na makikita sa distribusyon ng anumang ayuda

Dapat walang mga kandidato at politiko sa oras ng pamamahagi ng kahit anong uri ng ayuda.

Dapat makapagbigay ito sa COMELEC ng kopya ng kanilang guidelines sa distribusyon ng ayuda at dapat, tapat nilang masusunod ang mga nakasulat sa guidelines.

Ayaw ng COMELEC na maimpluwensyahan ang idadaos na hahalan sa Mayo 12.

Ang guidelines para sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng AKAP, mailalabas sa buwang ito ayon sa Department of Budget and Management.

Mga epal na politiko at kandidato sa pamamahagi ng ayuda ng DSWD, binatikos ng ilang taga-Maynila

Ang ilang taga-Maynila, naniniwala naman na dapat lang talaga walang epal na mga kandidato kung tatanggap sila ng ayuda mula sa gobyerno.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble