DICT, iginiit na walang nakompromisong bagong datos sa gitna ng cyberattacks sa websites ng gobyerno

DICT, iginiit na walang nakompromisong bagong datos sa gitna ng cyberattacks sa websites ng gobyerno

LAGANAP pa rin ang cyber-attack laban sa mga website ng gobyerno ng Pilipinas ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT).

Lalo na ngayong nalalapit na ang eleksyon sa Mayo. Sa kabila nito, iniulat ng DICT na walang nakompromisong mga bagong impormasyon o datos sa gitna ng mga pag-atakeng ito.

‘’Well, actually, we are constantly under attack from different sectors ‘no, from hackers, from scammers, whether these are persistent threat actors over the years,’’ ayon kay Sec.  Ivan John Uy.

Tuluy-tuloy pa rin ang banta ng cyberattacks sa mga website ng gobyerno.

Ngunit ani Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy, sinasawata raw ng kanyang ahensya araw-araw ang daang libong hacking attempts na hindi lamang pinupuntirya ang ehekutibong sangay kundi pati na rin ang lehislatura.

Ibinahagi ng kalihim na na-detect ng DICT ang makabuluhan pang pagtaas ng mga pag-atakeng ito lalo’t papalapit na ang halalan sa darating na Mayo.

Una nang napaulat ang Chinese state-sponsored hacking na target daw ang executive branch.

Base pa sa isang ulat, target ng pag-atake ng umano’y Chinese hackers ang Office of the President at nilalayong magnakaw ng military documents na may kaugnayan sa sigalot sa South China Sea.

Hindi direktang kinumpirma ni Uy ang mga ulat na ang Chinese state-sponsored hackers ang nagtangkang nakawin ang datos mula sa OP kabilang ang mga dokumento ng militar. Sinabi lang niya na walang bagong datos o impormasyon ang nakompromiso o nakuha ng mga hacker.

‘’Well, there are always attempts to do so and in many instances, for attacks like those, we’re able to detect them early on and when we do so we are able to secure the database and we’re able to secure the systems so that it remains just an attempt and not be able to compromise some of the more sensitive data,’’ ani Uy.

Isinalaysay naman ni Uy na muling pinalilitaw ng hackers ang mga lumang datos upang gumawa lamang ng impresyon na naging matagumpay sila sa kanilang ginagawa.

‘’So, maaaring there are some agencies in government that have not updated their respective software, so doon napapasukan at doon nai-exploit. In most occasions, if ever there are any compromises, we’ve seen that the data are old data. Some of them are being reposted again,’’ saad nito.

Kaugnay dito, inilahad ng kalihim na nag-a-acquire na ang DICT ng mga bagong system at equipment upang matugunan ang mga insidente ng pag-hack. Patuloy din kasi na nag-upgrade ang mga hacker at scammer ng kanilang mga kagamitan at kapamaraanan.

Nakikipagtulungan din daw ang ahensiya sa pribadong sektor upang tulungan silang mas maging mulat sa kanilang paghahanda sa cybersecurity.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter