Aktibong kaso ng COVID-19 sa PNP, lampas 3-K na

Aktibong kaso ng COVID-19 sa PNP, lampas 3-K na

UMABOT na sa 3,262 ang aktibong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Philippine National Police (PNP).

Ito’y matapos makapagtala ng 450 bagong kaso ng COVID-19 ang ahensiya.

Nasa kabuuang 44,635 ang kumpirmadong kaso sa PNP simula nang manalasa ang pandemya sa bansa.

Mayroon ding 31 naitalang bagong nakarekober sa sakit na dumagdag para maging 41,248 na ang bilang ng kabuuang gumaling sa impeksyon.

Nanatili naman sa kabuuang 125 ang nasawi sa COVID-19 sa mga kapulisan.

Una nang sinabi ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos na marami sa mga police personnel ang nakararanas lamang ng mild symptoms ng COVID-19 na kailangan lamang ang home o facility isolation.

Tiniyak naman ng PNP chief na hindi makaaapekto sa operasyon ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga kapulisan.

Nagdagdag naman ng quarantine facilities at kama ang PNP sa loob ng headquarters nito sa Camp Crame matapos ang paglobo ng kaso ng impeksyon sa mga tauhan.

Nanatili ring pangunahing quarantine facility ang Kaingan Emergency Treatment Facility sa Camp Crame para sa mga may kaso ng COVID-19.

Maaari naman aniyang mag-home quarantine ang mga asymptomatic personnel ngunit kailangan na palaging magsumite ng kondisyon sa pangangatawan sa monitoring medical team.

“Patuloy ang pagbibigay tulong sa ating mga pulis na nas quarantine facilities at maging sa kanilang dependents. Hindi rin po tayo tumitigil sa pagbibigay ng booster shots upang mas lalong malabanan ang naturang virus. With the rising number of positive cases in the police force, rest assured that our operational capabilities and performance will not be hampered,” pahayag ni Carlos.

Samantala, nakapagtala ang ahensiya ng 216,166 personnel o 95.93% na fully vaccinated laban sa COVID-19 habang 7,824 o 3.47% ang naghihintay para sa second dose.

Nasa 1,343 PNP personnel o .60% ang hindi pa nabakunahan kontra COVID-19.

Follow SMNI News on Twitter