MAY isang milyong pisong pabuya ang Kamara para sa makapagtuturo sa kinaroroonan ni Mary Grace Piattos—ang taong pumirma sa karamihan ng acknowledgement receipts sa confidential funds ng Office of the Vice President.
Bahagi yan ng imbestigasyon ng Mababang Kapulungan sa confidential funds ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte.
Sa katunayan, ipinahanap na sa NBI at PNP si Piattos.
Pero, ayon sa Philippine Statisctics Authority, wala namang naka-rehistrong Mary Grace Piattos sa kanilang database.
Para kay former Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, maaaring sinadya ang paggamit ng pangalang Mary Grace Piattos na wala sa alinmang government database.
‘Eto MJ ang mga hindi gumagamit ng utak, sa tingin mo ba kung ikaw MJ—ako ang gobyerno kinuha kita bibigyan kita ng pera para bigyan mo ako ng impormasyon sa kalaban ng estado, ikaw ba tatanggap ka ng pera ilalagay mo ang pangalan mo? (Hindi) Kasi sigurado patay ka! (laglag ka) Patay! Hindi lang laglag—papatayin ka ng mga isinuka mong impormasyon laban sa estado,’ ayon kay Atty. Salvador Panelo Former Presidential Legal Counsel.
Sabi pa ni Panelo, pino-protektahan ng estado ang identity o pagkakakilanlan ng kanilang informants pati ang kanilang mga asset.
Kaya hindi na ito nagtataka kung bakit may ganoong hakbang ang OVP.
‘Kaya ho Mary Grace Piattos, talagang iyan ang ilalagay. Iba-iba, daming sinasabing mga pekeng pangalan. Natural? Hindi ninyo ginagamit ang sentido kumon ninyo eh. Confidential funds nga eh!’ saad ni Atty. Salvador Panelo.
Batay sa karanasan ni Panelo sa Duterte administration, mahalaga ang anonymity sa larangan ng surveillance at intel operations.
Giniit din nito na kayang gumastos ng gobyerno ng milyun-milyong pondo sa maikling panahon kapag national security na ang pinag-uusapan.
At prerogative ng OVP kung paano nito gagamitin ang confidential funds para laban sa mga kalaban ng estado.
‘Kukuha ka ng mga impormasyon sa mga kalaban, kanino mo kukunin yan? Hindi sa ordinaryong tao walang alam yan. Kukunin mo yan doon mismo sa loob ng kalaban. O kaya sa mga kakampi ng kalaban. So kukuha ka ng impormasyon eh hindi ibibigay sa’yo ng libre. Kukunin mo yan sa pamamagitan ng pagbayad sa kanila,’ ani Panelo.
Isa sa mga kalaban ng estado ang teroristang grupo na CPP-NPA-NDF.
At kapuna-puna na mga tinaguriang legal front nito sa kongreso o ang Makabayan Bloc sa Kamara—ang mga party-list na Gabriela, Bayan Muna, ACT-Teachers at Kabataan na naunang tinukoy ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na mga kalaban ng pamahalaan ang siyang naghain ng impeachment case laban kay VP Sara Duterte gamit ang isyu ng confidential funds.