Atty. Panelo tutol sa pagpapaikli ng impeachment trial vs. VP Sara Duterte

Atty. Panelo tutol sa pagpapaikli ng impeachment trial vs. VP Sara Duterte

MARIING tinutulan ni dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo ang ideyang paikliin ang proseso ng impeachment trial. Aniya, ito ay taliwas sa prinsipyo ng due process.

“Hindi pupuwede iyang paikliin ang trial. Kalokohan iyan. Kailangan, ‘pag sinabi mong due process, it hears before it condemns. Ibig sabihin, bibigyan mo ng sapat na panahon ng paghahanda ang dalawang panig,” ayon kay Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.

Naniniwala ang dating opisyal sa pananaw na obligasyon ng Senado na agad magsagawa ng impeachment trial sa oras na matanggap ang reklamo. Ito’y kung may batayan sa Saligang Batas. Pero, dapat umano isaalang-alang pa rin ang mga usaping legal tungkol sa paghahain ng impeachment complaint.

“‘Yung pong teorya na isang tungkulin ng Senado na pagtanggap ng isang complaint sa impeachment ay karakaraka, agad-agad, ay litisin ay tama lang po iyan, kung ‘yung impeachment complaint ay supisyente sa sustansya at porma,” ani Panelo.

Sa kasalukuyan, may mga nakabinbing kaso sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa proseso ng paglipat ng reklamo sa Senado, lalo na’t higit pa sa isang impeachment complaint ang inihain—isang bagay na ipinagbabawal ng Konstitusyon.

Iginiit ni Panelo na dapat igalang ang legal na proseso at bigyang panahon ang masusing pagdinig, hindi lamang sa ngalan ng batas, kundi para na rin sa integridad ng demokratikong institusyon sa bansa.

Matatandaang nagmungkahi si Sen. Francis Tolentino na magkaroon ng “expedited impeachment trial” o pinaikling impeachment trial kay Vice President Sara Duterte simula Hunyo 11–30.

Aniya, sa unang mga araw, bibigyan ng pagkakataon si VP Sara na sagutin ang reklamo. Magpapalitan ng mga argumento ang prosekusyon at depensa, at inaasahan namang magiging mabilis ang trial. Mayroong itong oral arguments na gaganapin sa Hunyo 28 at dedesisyunan sa Hunyo 30.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble