MAS magkakaroon ng kumpiyansa ang taumbayan sa government officials kung magkusa silang sumailalim sa drug test ayon kay dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque.
Pahayag ito ng abogado kaugnay sa panukalang batas ni Davao City 1st District Rep. Pulong Duterte na naglalayong magpatupad ng mandatory random drug test sa lahat ng appointed at elected government officials sa buong bansa.
“Magsilbing ehemplo ang presidente, ang bise presidente, ang miyembro ng gabinete, ang mga kongresista, at mga senador, lahat tayo magpa-hair follicle test para makita ng taumbayan na wala sa ating gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, lalung-lalo na yang cocaine. Bakit naman papalagan kung walang tinatago?” Atty. Harry Roque, Dating Presidential Spokesperson.
Ipinanawagan na rin ito ni Roque sa mga namumuno sa government-owned and controlled corporations (GOCCs) dahil wala naman aniyang mawawala kung sasailalim sila sa hair follicle test.
Paraan na rin ito para mapasinungalingan ang mga paratang sa ilang opisyal ng gobyerno hinggil sa ilegal na droga.
“Kaya ang panawagan ko sa mga gabinete, wala pong mawawala. Siyempre, ‘yung mga namumuno din ng GOCC. (PAGCOR) Chairman Al Tengco, tayo po ay magpa-hair follicle test.”
“Wala pong mawawala diyan sa mandatory. Hindi naman mandatory- voluntary hair follicle test para magkaroon ng kumpiyansa ang taumbayan na walang gumagamit ng pinagbabawal na powdery white substance sa mga tao ng gobyerno,” paliwanag ni Roque.