NANAWAGAN ang isang senatorial aspirant na si Atty. Jayvee Hinlo na bigyan ng higit na pansin ang paglikha ng mga trabaho kaysa sa pagbibigay ng ayuda. Tinatawag niya itong “Ayuda Politics,” dahil sa kakulangan ng mga batas na nakatuon sa pag-unlad ng bansa.
Sinabi ni Atty. Jayvee Hinlo, ang kakulangan ng trabaho ang pangunahing dahilan ng kahirapan sa Pilipinas. Dahil dito, maraming Pilipino ang napipilitang magtrabaho sa ibang bansa bilang Overseas Filipino Worker (OFW), na nagdudulot ng pagkasira ng maraming pamilya.
“Yung tanong, bakit maraming mahirap na Pilipino, bakit? ‘Yung sagot kawalan ng trabaho,” pahayag ni Atty. Jesus “Jayvee” V. Hinlo Jr., Senatorial Aspirant, PDP-Laban.
Naniniwala si Atty. Hinlo na dapat ding gamitin ang mga idle na lupa ng gobyerno para sa agrikultura. Batikos din ang kaniyang ipinukol sa mga mambabatas sa Senado at Kongreso, na inakusahan niyang mas nakatuon sa pagbibigay ng ayuda kaysa sa paggawa ng mga batas na magpapaunlad sa bansa.
“Nakikita ko kung hahayaan natin kung ganito lang ang pamalakad ni administrasyon ni BBM, magkakaroon ng problema ang hinaharap ng ating bansa.”
“Tinatawag ko itong ayudang politics, nakatuon po ito sa serbisyo sa ayuda at kulang tayo sa development plans for the country,” ani Hinlo.
Isa sa kaniyang mga plataporma ay ang pagtatag ng OFW Retirement Insurance & Pension Program. Maraming mga OFW ang naglilingkod sa ibang bansa sa loob ng maraming taon, ngunit walang natatanggap na retirement fee o pension pag-uwi nila sa Pilipinas.
Para maipatupad ang programang ito, kailangan aniya ng mga kaalyado sa Kongreso.
“We will able to have a retirement and pension plan na pagtanda nila meron silang pension.”
“Itong mga progamang ito, kailangan natin ng mga kaalyado sa Kongreso.”
“Kasama din si Pastor Apollo C. Quiboloy kasama rin Cong. Marcoleta at ang mapipili niyong sa tingin niyong mabubuting senador,” aniya.