INIIMBESTIGAHAN na ng lokal na pamahalaan ng Baguio City ang naitalang mahigit sa 300 kaso ng acute gastroenteritis sa lungsod simula noong Disyembre 31, 2023.
Kabilang sa tinitingnan ng city health department na dahilan ng sakit ay ang kontaminasyon sa tubig partikular na sa mga kainan sa lungsod.
Umaasa naman si Baguio City Health Services Officer (CHSO) Dr. Celia Flor Brillantes na makikipagtulungan sa imbestigasyon ang mga food establishment para matiyak ang kaligtasan ng mga kostumer at maiwasan ang mas marami pang insidente.
Sa ngayon ay kumukuha na ng water samples sa iba’t ibang water sources ang sanitation division ng CHSO para matukoy ang dahilan ng posibleng kontaminasyon.
Samantala, magsasagawa rin ng sariling imbestigasyon at water testing ang Baguio Water District.