Balak na ambush ng CTG sa tropa ng militar sa Abra, napornada

Balak na ambush ng CTG sa tropa ng militar sa Abra, napornada

HINDI nagtagumpay ang plano sanang ambush ng teroristang grupong CPP-NPA sa tropa ng militar sa lalawigan ng Abra.

Sa panayam ng SMNI News kay Capt. Bryan Albano, Civil Military Operations Officer ng 501st Infantry Brigade ng Philippine Army, nakatanggap sila ng sumbong mula sa mga residente na mayroong presensiya ng teroristang CPP-NPA sa Sitio Lamunan, Brgy. Gacab, Malibcong, Abra.

Dahil dito ay nagsagawa ng security patrol ang tropa ng 24th Infantry Battalion sa ilalim ng 501st Infantry Brigade sa nasabing lugar.

“While on the conduct of security patrols natumbok ng ating kasundaluhan itong armadong grupo, na attemp sana ng armadong grupo na ambushin itong mga sundalo natin buti na lang nainformahan sila beforehand kaya nakapagresponde sila nang maayos,” ayon kay Capt. Bryan Albano CMO, 501st Infantry Brigade.

Alas 6:30 ng umaga Oktubre 3, araw ng Martes, ang nasabing security patrol ay nagresulta sa 15 minutong bakbakan sa pagitan ng tropa ng militar at komunistang teroristang grupong CPP-NPA-NDF.

“Nagkaroon ng palitan ng putok between sa ating kasundaluhan at itong komunistang teroristang grupo which lasted for about 15 minutes,” sabi pa ni Capt. Albano.

Sa tantya ng militar nasa humigit-kumulang 25 teroristang NPA ang kanilang nakasagupa.

“As to the estimate nung specific number number nung mga NPA hindi ma-acertain ng tropa kung ilan ang total strength ng kanilang nabakbak pero it said soon sa mga intelligence reports natin around 25 mahigit ang manpower nitong mga armado dito sa KLG North Abra,” salaysay pa ni Capt. Albano.

Matapos ang 15 minutong palitan ng putok, nagsitakbuhan sa iba’t ibang direksiyon ang mga NPA at iniwan ng komunistang grupo ang isa nilang kasamahang wala nang buhay.

Narekober din sa pinangyarihan ng engkuwentro ang iba’t ibang kagamitang pandigma at personal na gamit.

Kabilang sa mga narekober ng militar ay isang M14 rifle, isang M4A1 Carbine rifle, apat na magazines, 42 pirasong bala ng carbine rifle, 16 pirasong bala ng M14, isang bandoleer, isang backpack, subersibong mga dokumento, iba’t ibang medical supplies, mga gamot, gamit sa pagluluto at iba pang mga personal na kagamitan.

Habang inaalam pa ng militar ang pagkakakilanlan ng nasawing NPA member ngunit base sa inisyal na imbestigasyon kabilang sa Komiteng Larangang Guerilla North Abra (KLG North Abra) ang nasawing NPA.

Sa ngayon ay patuloy pa ang ginagawang pursuit operation ng 501st Infantry Brigade sa mga lugar na posibleng pinagtataguan ng komunistang teroristang grupong NPA.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter