Bangayan ng Senado at Kamara sa Economic Cha-Cha, lalong tumitindi  

Bangayan ng Senado at Kamara sa Economic Cha-Cha, lalong tumitindi  

UMARANGKADA na sa Senado nitong Lunes, Pebrero 5 ang pagdinig sa Resolution of Both Houses (RBH) 6.

Ito ay para luwagan ang economic restrictions ng 1987 Constitution sa layunin na buksan ang ekonomiya ng Pilipinas sa mga dayuhang investor.

Pero, hindi magpapadala sa pressure ang mga senador at tinitignan ang buwan ng Oktubre bilang deadline sa mga pagdinig.

Pero ang Kamara, tutol dito.

Ayon kay House Majority Leader Mannix Dalipe, malabo nang makalusot ang Economic Charter Change (Cha-Cha) kapag inabot ito ng Oktubre na siyang panahon ng paghahain ng kandidatura para sa 2025 mid-term elections.

“What we are afraid of, diretsuhin ko na po is that the filing of the certificate of candidacy of all officials running for the mid-term will be October,” ayon kay Rep. Jose Dalipe, House Majority Leader.

Sabi pa ni Dalipe, mahalaga na makalusot sa first half o unang bahagi ng administrasyong Marcos ang pag-amyenda sa Saligang Batas.

Base sa kanilang karanasan, hindi pa nangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas na nailusot ang pagtalakay sa Cha-Cha sa huling tatlong taon ng nakaupong presidente.

“For example sa Senate, medyo busy sila sa kanilang mga imbestigasyon, dito sa House what more? When it comes to the campaign fever that will hit before October and that’s what our worry. So, we would want to fast track it. Kung puwede ngayon na,” dagdag ni Dalipe.

Samantala, labis ang galit ng mga kongresista sa mga senador sa usapin ng People’s Initiative (PI).

Ayon kay Sen. Imee Marcos, malinaw na itinuturo ng mga ebidensiya na si Speaker Martin Romualdez ang nasa likod nito.

Para naman kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, Politicians Initiative ang tunay na kahulugan ng PI at hindi People’s Initiative.

“Sa aming all member caucus na ginawa last week, grabe talaga ang galit na inilabas ng mga kasama naming mga congressmen. Galit sila sa pambabastos na ginawa ng ilang senador, sa aming speaker, at sa House of Representatives,” ayon kay Rep. Aurelio ‘Dong’ Gonzales, Senior Deputy Speaker.

Hindi aniya tama na minamaliit ng mga senador ang mandato nila.

Sinita rin ng Kamara ang pagkukumpara ng mga senador sa boto nilang mga kongresista sa eleksiyon.

Ipinagmalaki naman ni Gonzales na marami sa mga kongresista ngayon ay unopposed.

“Kaya if you are going to extrapolate the numbers you garner and the numbers we garnered, mas mataas pa ang porsiyento namin. If you are unopposed, meaning to say 100% nang buong sinasakupan mo mahal ka nila at nirerespeto ka nila,” dagdag ni Gonzales.

At para magkaalaman na, hinamon naman ni Dalipe ang mga senador na isapubliko kung sino sa mga ito ang pabor o hindi na i-update ang konstitusyon lalo na’t para sa mga kongresista, dead on arrival na sa Senado ang lahat ng panukalang baguhin o amyendahan ang Saligang Batas.

“Sino ‘yung mga senador pabor to amend to update the 37 year-old constitution, at sino ang mga kontra and the people of the Philippines will decide whom to put in the Senate,” ani Dalipe.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble