MAS naramdaman ng mga residente ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang paggaan ng gastusin matapos itong magtala ng negative 1.6% inflation rate noong buwan ng Mayo 2025, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Noong parehong buwan ng nakaraang taon, nasa 5.8% ang inflation rate sa rehiyon — indikasyon ng malaking pagbabago sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Ayon sa PSA, ang pagbaba ay pangunahing bunsod ng pagmurang presyo ng pagkain, kuryente, tubig, transportasyon, at pabahay sa rehiyon. Nakatulong ito upang mapababa ang pangkalahatang halaga ng pamumuhay sa BARMM.
Sa pambansang antas, bumaba rin ang inflation rate sa 1.3% — ang pinakamababang antas mula Nobyembre 2019. Dahil dito, inaasahan ng mga ekonomista na magpapatupad ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng interest rate cut sa darating na Hunyo 19, 2025, upang pasiglahin pa ang ekonomiya.
Bagamat positibo ang epekto ng mababang inflation para sa mga mamimili, nagbabala ang ilang eksperto na maaaring magkaroon ito ng negatibong epekto sa lokal na produksyon at sa kita ng mga negosyo, kung magtatagal ang deflationary trend.
“Maganda para sa mga bumibili, pero kung hindi kikita ang mga negosyante, maaaring bumagal ang lokal na ekonomiya,” ayon sa isang ekonomista mula sa UP School of Economics.