Batas na magpaparusa vs illegal recruitment, isinusulong ng OFW Party-list

Batas na magpaparusa vs illegal recruitment, isinusulong ng OFW Party-list

ISINUSULONG ngayon ni OFW Party-list Representative Marissa ‘Del Mar’ Magsino ang isang batas na magpaparusa laban sa recruitment agency na masasangkot sa illegal recruitment.

Para mas mapadali, mahusay at epektibo sa pagpapatupad ng batas para labanan ang illegal recruitment sa bansa.

Inihain ni Magsino ang House Bill 7865 kung saan pinagsasama-sama at ina-update ang lahat ng umiiral na batas laban sa illegal recruitment na gawing single penal law.

“Tayo po ay maraming batas tungkol sa illegal recruiters pero watak-watak po ito, gusto natin na pagsama-samahin upang nang sa gayon ay mas maging relevant sa panahon natin ngayon, itinutulak natin yung panukalang ito para pagsama-samahin, ma-update ang batas laban sa illegal recruitment,” ayon kay Cong. Marissa ‘Del Mar’ Magsino.

Ayon sa kongresista ito’y dahil ang illegal  recruitment ay lumalaki at umuunlad sa pamamagitan ng paggamit ng online mode at multi-country transit point scheme.

Aniya, napakaraming kaso ng illegal recruitment ng overseas Filipino workers (OFWs) partikular na sa mga bansa sa Southeast Asia, na kadalasang humahantong sa human trafficking.

Sinasamantala rin ng mga illegal recruiter at human traffickers ang Information and Communications Technologies (ICT) para i-profile, i-recruit at samantalahin ang kanilang mga binibiktima na nag-aalok ng mga pekeng alok na trabaho.

Samantala, inihayag din ng mambabatas kung ano ang kasalukuyang parusa sa mga lumalabag na mga illegal recruiters ay mas hihigit pa ang parusa sa mga ito.

“Bale sa ilalim ng batas, magkakaroon din tayo ng life imprisonment at ang fine ng penalty nila ay halos magiging doble” dagdag ni Magsino.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter