Bayarin sa kuryente ngayong Hunyo, tataas

Bayarin sa kuryente ngayong Hunyo, tataas

MAY dagdag-singil na P0.64 ang Meralco sa paparating na billing ngayong buwan ng Hunyo.

Katumbas iyan ng P128 na singil para sa mga residential customer na kumokonsumo ng 200 kWh o P320 para sa mga kumokonsumo ng 500 kWh.

Sabi ng Meralco, ang taas-singil ay dahil sa napakataas na generation charge na umabot ng P0.35.

Ayon sa Meralco dapat mas malaki pa ang itataas ng dagdag-singil pero napagaan umano ito.

“Ito ay kahit papaano ay naibsan. Dapat kasi mas malaki pa sana ito pero para mapagaan ang epekto sa mga bill ng customers, nakiusap po kami sa iba’t ibang power suppliers na ipagpaliban muna ang pagsingil sa bahagi ng kanilang generation cost or charge,” pahayag ni Joe Zaldarriaga, Spokesperson, Meralco.

Pinayagan naman ito ng Energy Regulatory Commission kaya magiging utay-utay ang koleksiyon ng generation cost na aabot sa P500 million ng Meralco at iba pang tatlong electric company sa susunod na tatlong buwan mula Hulyo hanggang Setyembre.

Ngayong buwan, nasa P1.52 kada kWh ang itinaas ng singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market dahil sa manipis na suplay at pagsipa ng demand nitong nakaraang Mayo.

“May mga instances din po tayo ng yellow at red alerts at in fact nagkaroon po tayo ng manual load dropping o rotating interruptions noong nagdaang May supply month,” dagdag ni Zaldarriaga.

Napamahal din ang singil sa kuryente dahil sa pagtaas ng transmission charges, feed-in tariff, at mga buwis.

Nakaapekto rin sa generation charge ang paghina ng piso kontra dolyar.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble