HINDI lang likas na ganda ang dahilan kung bakit kilala ang Pilipinas sa buong mundo. Sa likod ng ating mga baybayin, kabundukan, at mga isla, umuusbong ang isang malakas at patuloy na lumalaking industriya ng health, beauty, at wellness na nagbibigay oportunidad sa mga Pilipino.
Sa Pasay City, makikita ang sigla ng industriya sa pamamagitan ng mga exhibitor mula sa iba’t ibang panig ng bansa at maging mula sa ibang bansa, na naglalantad ng kanilang mga produkto at serbisyo na naglalayong pagandahin ang mukha, katawan, at kalusugan.
Ang B2B Beauty Trade Show ay nagsisilbing tulay para sa mga lokal na negosyo na makipag-ugnayan sa mga supplier, distributor, at mga eksperto.
Isa itong hakbang para lalo pang mapaunlad ang industriya at palawakin ang oportunidad para sa mga Pilipinong negosyante.
Sa loob ng tatlong araw na kaganapan, tampok ang mga local at international exhibitors sa kanilang mga pinakabagong produkto at serbisyo sa larangan ng kagandahan, kabilang ang mga skincare, makeup, haircare, at nail care.
Ayon sa pamahalaan, malaking bentahe ang programang ito para ipakita rin ang mga de-kalidad na beauty products and services na mayroon ang mga Pilipino, lalo’t parte rito ang paggamit ng natural na mga sangkap na kayang makipagsabayan sa pandaigdigang merkado.
Para sa mga lumahok, ang B2B Beauty Trade Show ay isang magandang pagkakataon para sa kanilang mga negosyo na mapalawak din ang kanilang network at makahanap ng mga bagong oportunidad sa industriya ng pagpapaganda.
Hindi rin pahuhuli ang mga kompanya sa larangan ng kalusugan.
Mas pinalawak din ang suporta sa mga negosyong gawang Pinoy, patunay na handa na ang ating mga produkto sa pandaigdigang entablado.
Bukod pa riyan, maraming local beauty brands ay gumagamit ng natural herbs at ingredients na ligtas, epektibo, at mabuti para sa kalusugan ng balat.
Kabilang dito ang mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw, langis ng niyog, aloe vera, at turmeric na hindi lamang likas kundi tunay na makabago sa pag-aalaga ng balat.
Sa huli, ipinapakita ng mga Pilipino na ang gawang lokal, likas, at may malasakit sa kalikasan na tunay namang kahanga-hanga.