SA gitna ng lumalalang pagkabahala hinggil sa pagkakaroon ng mga estudyanteng Tsino sa rehiyon ng Cagayan, nanawagan si Sen. Chiz Escudero sa Bureau of Immigration (BI) na maglabas ng ebidensiya ukol sa mga alegasyon na maaaring ilan sa kanila ay nagpapanggap bilang mga espiya.
Binigyang-diin ni Escudero na hangga’t hindi pa napatutunayan ang kabaligtaran, ang mga paratang laban sa mga Chinese nationals na ito ay mananatiling walang basehan.
“Sa ngayon ay wala pa tayong dapat ipangamba maliban na lamang kung may sapat na katibayan o ebidensya,” saad ni Sen. Francis “Chiz” Escudero.
Giit pa ni Escudero hindi ito patas, at hindi dapat magdulot ng labis na pag-aalala, kahit pa sa harap ng patuloy na alitan sa teritoryo sa Kanlurang Dagat ng Pilipinas.
“Pero kung ang mga basehan lamang ay dahil may base ang Tsina sa West Philippine Sea (WPS), na may isyu tayo ngayon sa kanila kaya malamang espiya ang mga estudyanteng Chinese nationals sa Cagayan kaya dapat ipagbawalan ang mga iyan, hindi naman siguro dapat ganun,” dagdag ni Sen. Escudero.
Sinabi rin ng mambabatas na sakaling magkaroon ng imbestigasyon sa Senado, dapat ang BI ang unang ipatawag.
Bukod aniya na dapat bigyang-linaw ng opisina ang nasabing isyu ay dapat din nilang ipaliwanag kung may pagkukulang ba sa kanilang responsibilidad.
Dapat aniya masagot ng BI kung papaano nakapasok ang mga ito sa Pilipinas at bakit hinayaan ito ng BI na mangyari.
Kaugnay rito ay una nang binansagan ng civic leader na si Teresita Ang See bilang ‘dangerous at unfortunate’ ang aniya’y ‘sinophobia’ at ‘racism’ na laging laman sa mga balita sa gitna ng pagdami ng Chinese students sa Cagayan.