Bulkang Kanlaon, mataas pa rin ang antas ng pagkaligalig—PHIVOLCS

Bulkang Kanlaon, mataas pa rin ang antas ng pagkaligalig—PHIVOLCS

NASA Alert Level 2 pa rin ang Bulkang Kanlaon.

Ito ang iniulat ni Mariton Bornas, ang Division Chief ng Volcano Monitoring & Eruption Prediction Division ng PHIVOLCS.

Nitong Martes, nakapagtala ang PHIVOLCS ng karagdagang 337 volcano tectonic earthquakes.

Hatinggabi hanggang alas-12 ng tanghali, araw ng Miyerkules, nakapagtala ang PHIVOLCS ng karagdagang 65 volcano tectonic earthquakes.

Araw ng Martes, nakapagsukat ang ahensiya ng pinakamataas na sukat ng sulfur dioxide sa Bulkang Kanlaon.

“Ito na ang pinakamataas na na-record natin instrumentally mula noong nagsusukat tayo ng volcanic gas sa Kanlaon Volcano noong 2009 nang pumalo ng 9,985 tonnes per day. Kung ihahambing sa Mayon Volcano, halimbawa, ito ay eruptive sulfur dioxide emission na ng Mayon. Pero sa Taal napakataas po nito,” pahayag ni Mariton Bornas, Division Chief, Volcano Monitoring & Eruption Prediction Division, PHIVOLCS.

Dahil mataas ang monitoring parameters, tumataas aniya ang tsansa na magkaroon ng magmatic eruption sa Mt. Kanlaon.

“Ang challenge natin ay ang pagbabantay sa araw-araw para mahuli natin kung kailan, kung matutuluyan ang magmatic eruption na binabantayan natin,” saad ni Mariton Bornas, Division Chief, Volcano Monitoring & Eruption Prediction Division, PHIVOLCS.

Inilahad ni Bornas na hindi nila masasabi sa ngayon kung kailan ang oras, araw, linggo o buwan kung kailan magaganap ang pagputok ng bulkan.

Sambit nito, kailangan ay araw-araw itong inaanalisa (analyzed) at ini-evaluate lalung-lalo na sa isang bulkan na tulad ng Kanlaon Volcano, na matagal na hindi nagpuputok ng magma.

Ang pagputok ng Kanlaon Volcano mula noong 1902 ay pawang mga phreatic o steam-driven eruptions lamang.

Ito ay ang pagputok lamang ng bulkan dahil sa pag-ipon ng singaw o steam sa tinatawag na hydrothermal o geothermal regions sa ilalim ng bulkan.

“Na kapag napa-pressurized ang bulkan ay maari itong mauwi sa phreatic o steam-driven eruptions. Karamihan ng activity ng Kanlaon Volcano ay ganito noh mga steam-driven o phreatic eruptions. Ngayon lamang tayo magkakaroon kung sakali man ng magmatic eruption at hindi lamang po ‘yan, ng instrumentally monitored na magmatic eruption,” dagdag ni Bornas.

Ipinaliwanag pa ng opisyal na ang pinakahuling magmatic eruption ng Kanlaon Volcano noong 1902, ay napakahinang klaseng magmatic eruption lamang.

Isang lava flow lamang ang naka-record na inilabas noong panahon na iyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble