NAKARANAS ng bahagyang ashfall ang tatlong barangay sa Bago City, Negros Occidental matapos ang ash emission mula sa Bulkang Kanlaon nitong Lunes, Abril 14, 2025.
Ang mga ito ay ang Brgy. Ilijan, Mailum, at Binubuhan ayon sa Bago City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Dahil sa pagbuga ng abo, lumipat na sa online at modular learning ang pasok sa La Carlota City College.
Magtatagal ito hanggang sa Miyerkules, April 16.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), umabot ng hanggang 800 metro ang ibinugang ash plume ng Bulkang Kanlaon bandang 11:52 ng umaga hanggang 2:12 ng hapon nitong Lunes.
Sa kabila nito ay nananatili pa rin sa alert level 3 ang Bulkang Kanlaon.
Nagpapahiwatig ito ng pagtaas ng volcanic unrest at posibilidad ng mapanganib na pagsabog.