KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration na mayroong 21 bansa na bawal pumasok sa bansang Pilipinas dahil sa banta ng bagong variant ng Covid-19 mula sa United Kingdom.
Ito ang nihayag ni BI Spokesperson Dana Sandoval sa panayam ng SMNI News.
“Tama po ‘yan, na-expand po, unang-una po nagkaroon ng travel restriction sa United Kingdom. Diyan, nadagdag po, 19 other countries; and most recent po in-implement po natin kahapon ng hating-gabi, January 3 po ‘yong sa United States. So, all in all po, 21 countries ‘yong may travel ban po papasok po dito sa bansa,” kumpirma ni Sandoval.
Paglilinaw ni Sandoval, lahat ng mga foreign national na manggaling sa dalawampu’t isang bansa at ang mga tao na nanggaling sa mga bansang ito sa huling labing-apat na araw ay hindi maaring pumasok ng bansa.
Dagdag pa ni Sandoval, naabisuhan na ang mga airline companies na hindi na sila maaring magsakay ng mga pasahero mula sa mga bansang ito.
Kabilang sa mga 21 bansa na hindi puwede pumasok sa Pilipinas ay ang United States of America, United Kingdom, Denmark, Ireland, Japan, Australia, Israel, Netherlands, Hong Kong SAR, Switzerland, France, Germany, Iceland, Italy, Lebanon, Singapore, Sweden, South Korea, South Africa, Canada, at Spain.
OFW, posibleng mapabilang sa travel ban mula sa 21 bansa
Samantala, posibleng mapabilang na rin ang mga overseas Filipino workers (OFW) sa travel ban mula sa 21 na mga bansa na kasalukuyang ipinatutupad ng pamahalaan.
Kinumpirma ni Labor Secretary Silvestre Bello III na una na rin nitong ikinababahala ay ang kakulangan ng quarantine facility o mga hotel na posibleng pansamantalang paglalagyan ng mga dumarating na OFWs.
Ayon kay Bello, umaabot na sa 3000 hangang 3,500 ang mga dumarating na OFW sa bansa araw-araw at ang mga ito ay kailangang sumailalim sa 14-day mandatory quarantine.
Dahil dito, ay aminado din ang kalihim maging ang Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ay nababahala na rin na baka maubusan ng mga hotel na maaring paglalagyan ng mga OFW para sa kanilang dalawang linggong quarantine.
Ang ikalawang dahilan ani Bello ay ang mabilis na paghawa ng bagong COVID variant na maaring dala –dala ng mga dumarating na OFW mula sa 21 countries na may travel ban.