MULING iginiit ni Sen. Alan Peter Cayetano ang kaniyang paninindigan sa pagiging isang independenteng lider, na aniya’y nagbibigay sa kaniya ng kalayaan na unahin ang kapakanan ng mamamayang Pilipino kaysa sa mga interes ng anumang partidong politikal.
“Ang tama ay tama at ang mali ay mali,” ani Cayetano sa isang sesyon ng kanyang Facebook livestream series na CIA 365 with Kuya Alan.
Ipinaliwanag niya na ang pananatili niyang walang partidong kinabibilangan ay nagbibigay sa kaniya ng kalayaang suportahan ang mga panukalang batas na makabubuti sa bansa, anuman ang partido na nagmumungkahi ng mga ito. Sa parehong paraan, kaya rin niyang tutulan ang mga panukalang hindi makakabuti sa mga Pilipino.
“Mas malapit pa nga ako sa lahat dahil hindi awtomatiko ang pagpapanig sa isang grupo o sa anumang pangyayari sa ating bansa,” dagdag pa niya.
Hindi kailanman naging bahagi ng PDP-Laban
Nilinaw rin ni Cayetano na bagaman nakipagtulungan siya kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, hindi siya kailanman naging opisyal na miyembro ng PDP-Laban.
“Actually, I was never with PDP when I joined the former mayor and former president Duterte. Wala pa siyang partido noon. So, ako actually independent,” ani Cayetano, na binigyang-diin na ang kaniyang pangunahing layunin ay ang pagsisilbi sa bayan kaysa sa pagkakaroon ng partidong kinabibilangan.
Dagdag pa niya, ang pagiging independent ay nagbibigay sa kanya ng kakayahang makinig sa iba’t ibang pananaw at makipagtulungan sa iba’t ibang sektor nang hindi naaapektuhan ng politikal na impluwensya.
“May pagkakataon akong tumingin, magmasid, at kapag kinakailangan ang opinyon ko, malaya kong maibibigay ito,” aniya.
“Kung pakiramdam ko na napakahalaga o napaka-apurahan ng isang isyu para sa ating bansa, o kaya kong ipaliwanag ito sa ibang paraan, magsasalita ako,” dagdag pa niya.
Follow SMNI News on Rumble