PDP-Laban supporters sa Palawan, binatikos ang ilegal na pag-aresto kay FPRRD

PDP-Laban supporters sa Palawan, binatikos ang ilegal na pag-aresto kay FPRRD

PATULOY ang pagdagsa ng mga tagasuporta ng mga pambatong kandidato ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Mendoza Park, Brgy. Poblacion, Puerto Princesa, Palawan, upang ipakita ang kanilang matibay na paninindigan at suporta sa ilalim ng “Ayusin Natin Ang Pilipinas” nationwide campaign rally.

Hindi lang ito isang pagtitipon ng mga tagasuporta—ito ay isang malinaw na pahayag ng paninindigan, isang panawagan para sa hustisya, at isang hamon sa kasalukuyang pamahalaan.

Ang Mendoza Park ay itinuturing na ‘heart of the city’—napapalibutan ng mga establisyemento at mahahalagang tanggapan ng pamahalaan. Sa kakayahan nitong mag-accommodate ng higit sa isang libong katao, inaasahang mapupuno ito ng mga masugid na tagasuporta ng Team Duterte.

Habang patuloy ang pagdating ng mga tao, dama ang excitement sa hangaring marinig ang mga plataporma ng mga PDP-Laban senatorial candidates, kabilang na rito ang kay Pastor Apollo C. Quiboloy.

Ngunit higit pa sa pulitika, ramdam ang emosyon ng mga dumalo, lalo na’t ang usapin ng pagka-aresto kay dating Pangulong Duterte ay bumibigat sa damdamin ng kanyang mga tagasuporta.

Sa aming pag-iikot, nakausap natin ang ilang taga-Puerto Princesa na nagpahayag ng kanilang saloobin tungkol sa isyung ito.

“Siyempre, nasaktan tayo sa ginawa nila …gobyerno ito sa kanya, ‘yung ipadala siya sa ibang bansa,” pahayag ni Aling Tess, Supporter ng PDP-Laban slate.

“Malungkot na malungkot kasi ang daming natulungan ni dating Pangulong Duterte, siya pa ang mali, which is nagkamali sila,” pahayag naman ni Mang Eddie, Supporter ng PDP-Laban slate.

Laking pasasalamat naman ni Puerto Princesa City Councilor Elgin Damasco sa kampo ni Pastor Apollo C. Quiboloy na patuloy na nangunguna sa ganitong pagtitipon—isang paraan upang ipahayag ang hinaing ng mamamayang Pilipino at ilatag ang mga konkretong hakbang para sa ikauunlad ng bansa.

“Nagpapasalamat tayo sa mga aktibidad dahil ipapahayag ang mga hinaing tungkol sa mga nangyayari sa ating bayan,” pahayag naman ni Elgin Damasco, City Councilor, Puerto Princesa, Palawan.

Sa pagtatapos ng programang ito, gaganapin ang isang makabuluhang candle lighting ceremony bilang bahagi ng “Bring Him Home: A Prayer for Tatay Digong”—isang panalangin na naglalayong ipahayag ang pagkondena ng taumbayan sa ginawang pagkakanulo ng kasalukuyang administrasyon kay dating Pangulong Duterte, na ngayo’y nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Netherlands.

Ang damdamin ng mga Pilipino ay hindi maitago—labis ang lungkot at panghihinayang dahil sa ilalim ng pamumuno ng dating Pangulo kang nila naramdaman ang tunay na malasakit at pagmamahal sa bayan.

Nagkakaisa ang mga taga-Puerto Princesa sa pagpapahayag ng suporta sa mga lider na kanilang pinaniniwalaang tunay na naglingkod sa bayan—ng PDP-Laban na ini-endorso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Patuloy ang paninindigan ng Team Duterte supporters na ipaglaban ang adhikain para sa isang mas maayos at mas matatag na Pilipinas.

Ang kanilang mensahe ay malinaw—hindi nila malilimutan ang uri ng pamumuno ni dating Pangulong Duterte na nagbigay sa kanila ng seguridad, kaunlaran, at tunay na malasakit.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter