BINUKSAN na ng mga opisyal ng probinsiya ng Cebu ang isla nito para sa mga banyagang turista.
Ayon kay Cebu Governor Gwendolyn Garcia, tatanggapin na ng probinsiya ang lahat ng turista sa isla kahit ano pa man ang vaccination status nito.
Sa ilalim ng Executive Order No. 3-2022 na inisyu ni Garcia, ang mga turistang hindi bakunado ay papayagang makapasok sa probinsiya at kailangan lamang na magpresenta ng mga ito ng negatibong RT-PCR test result.
Sasailalim rin sa swab test ang mga banyagang turista na walang bakuna pagdating ng Mactan-Cebu International Airport (MCIA).
Kailangan ring tumungo sa facility-based quarantine hanggang mailabas ang resulta ng ikalawang RT-PCR test ng mga ito sa ika-limang araw.