INIHAYAG ng Department of Migrant Workers (DMW) na inihahanda na ang chartered flight para sa mga Pilipino na nais nang makauwi sa Pilipinas na naapektuhan ng tumitinding tensiyon sa Sudan.
Aminado si Migrant Workers Secretary Susan Ople na pahirapan ngayon sa Sudan ang mga accommodation at booking ng travel kaya naman patuloy ang ginagawang pagsisikap ng gobyerno ng Pilipinas na maitawid ang mga Pilipino na nailikas sa Sudan patawid ng Cairo.
Sa huling tala, inihayag ng Department of Migrant Workers na nasa mahigit 300 Pilipino ang ligtas na inilikas mula sa Sudan sa nakalipas na 12 oras na ginawa ng naturang ahensiya.
Nasa kabuuang 340 Pilipino mula sa Khartoum ang nasa Argeen Border ang nagkaroon ng mga pagkaantala sa pagproseso sa border ng Egypt dahil sa pagdagsa ng mga evacuees.
Paliwanag naman ni DMW Secretary Susan Ople, aabutin pa ng 2-3 araw ang proseso bago sila makalabas patungong Cairo.
Pinaghahandaan na rin ang charterted flight sa mga Pilipino na nais umuwi ng Pilipinas.
Aminado rin si Ople na pahirapan ngayon ang accommodation at booking sa biyahe dahil patuloy pa rin ang matinding bakbakan sa Sudan.
Wala naman aniya problema sa pagkain at sasakyang bus kundi sa pansamantalang tutuluyan ng mga Pilipino aniya sa Cairo, Egypt kasi ang pinakamagandang lugar na puwedeng pansamantalang tutuluyan ng mga Pilipino habang sila ay mag-aantay ng proseso ng pag-uwi sa Pilipinas.
Sa kabila nito tiniyak din ni Ople na matutulungan ng DMW ang mga OFW na apektado ng giyera sa Sudan at maging ang mga kamag-anak nito na nasa Pilipinas.
“May listahan naman kami nung workers at ng kung nasaan .. We will provide the assistance to family,” pahayag ni Sec. Susan Ople.
Nagdagdag na rin ng mga tauhan ang DMW para tumulong sa mga Pilipino na naiipit ng krisis sa Sudan.
Huwebes ng gabi pinangunahan ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Arnel Ignacio ang 5 miyembro ng OWWA Rapid Response team na tutulong sa mga OFW sa Sudan.
“Kami na magdadala ng mga tubig, pagkain tsaka financial assistance sa kanila…Nag aalala yan baka hindi makapagpadala sa pamilya nila,” ayon kay Arnel Ignacio, Administrator, OWWA.
4 na Pilipino na nasawi dahil sa sunog sa isang factory sa Taiwan, tutulungan ng pamahalaan-OWWA
Samantala, hinggil naman sa nasunog na food factory sa Taiwan noong Abril 25, 2023, na 4 na ang patay at 4 rin ang sugatan sa insidente.
Inihayag naman din ni Ignacio na inaasikaso na ng OWWA ang pagpapauwi sa 4 na Pilipino na nasawi dahil sa sunog sa Taiwan.
“’Yung apat inaasikaso na natin ang repatriation ng kanilang remains,” dagdag ni Ignacio.
Kinumpirma rin ni MECO Chairman Atty. Silvestre Bello III sa SMNI na nakahanda naman ang pamahalaan na tumulong sa mga naiwang pamilya na mga OFW na nasawi sa sunog.