NAGHAHANDA na ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero kasabay ng papalapit na Undas.
Ayon kay MIAA Spokesperson at Head Executive Assistant Chris Bendijo, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa New NAIA Infrastructure Corp. (NNIC), na siyang nagpapatakbo ngayon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaugnay ng inisyatibang ‘Oplan Biyaheng Ayos, Undas 2024’.
Layunin nitong masigurado ang ligtas at matiwasay na biyahe ng mga pasahero ng paliparan.
“Ito rin po ay exciting para sa amin dahil ito po iyong unang pagkakataon na maglo-launch tayo ng Oplan na kasama ang private sector – itong ating NNIC dahil iyon pong operation at maintenance ng ating terminal ay nasa private sector na po,” pahayag ni Atty. Chris Bendijo, Spokesperson & Head Executive Assistant, MIAA.
Una nang inilahad ng NNIC na nakikipagtulungan sila sa iba’t ibang stakeholders sa NAIA bilang antisipasyon sa pagdagsa ng mga pasahero sa darating na araw ng Undas.
Nabanggit pa ni Bendijo na magdi-deploy ang Philippine National Police Aviation Security Unit ng karagdagang 100 hanggang 200 na mga tauhan para matiyak na ligtas ang mga terminal.
Ang Bureau of Immigration pati ang Office for Transportation Security (OTS) ay magdi-deploy rin aniya ng karagdagang personnel.
“So, deployment po ng additional Immigration personnel, deployment po ng additional OTS screeners para po sigurado na talagang tuluy-tuloy ang pagpoproseso ng ating mga pasahero,” saad ni Atty. Chris Bendijo, Spokesperson & Head Executive Assistant, MIAA.
Pinaghahandaan na rin ang posibleng congestion. Kaya upang maiwasan ito, aagahan daw ang pagbubukas ng check-in counters nang sa ganoon ay maproseso nang maaga ang mga pasahero.
Nabatid na nakikipagtulungan na ang NNIC sa mga airline upang mapadali ang maagang pagbubukas ng check in counter para maiwasan ang mahabang pila lalo na kapag peak hours.
Doon naman sa baggage handling, ito raw ay natugunan na ng private concessionaire.
Nagkaroon na umano ng remedyo para masolusyunan ang naging problema sa screening device – iyong X-Ray na nakadugtong sa baggage handling system.
Pinaalalahanan na rin ng MIAA ang airlines sa kanilang mga responsibilidad sakaling may mga kanselasyon sa flight.
“Ano po ba iyong mga puwede nating ma-extend na tulong, kung kailangan po nating magbigay ng meals, kung kailangan po nating magbigay ng accommodation ay pinapaalalahanan po natin ang ating mga airlines tungkol sa kanilang mga obligasyon po,” dagdag ni Bendijo.
Hinimok naman ng MIAA ang mga manlalakbay na planuhin nang mabuti ang kanilang mga biyahe at dumating sa paliparan tatlong oras bago ang international flight at dalawang oras bago ang domestic flight.
“We also invite our passengers to visit the websites of the different government agencies that operate within the airport – our OTS para maging familiar kayo sa prohibited items; iyong ating e-travel, kailangan po nating mag-register dito,” ayon pa kay Bendijo.