Chinese Amb. Huang Xilian, pinatawag sa Malakanyang kaugnay ng sitwasyon sa WPS

Chinese Amb. Huang Xilian, pinatawag sa Malakanyang kaugnay ng sitwasyon sa WPS

IPINATAWAG ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. si Chinese Ambassador Huang Xilian nitong hapon ng Martes upang kausapin patungkol sa lumalalang sitwasyon sa pagitan ng China at Philippine Coast Guard (PCG) at ng mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon sa Presidential Communications Office, ipinahayag ni Pangulong Marcos ang kanyang seryosong pagkabahala sa tumataas na frequency at intensity ng mga aksyon ng China laban sa PCG at sa Filipino fishermen.

Naitalang pinakahuling insidente rito ay ang deployment ng military grade laser laban sa mga sasakyang-dagat ng PCG.

Sa hiwalay naman na pahayag, kinumpirma rin ng Chinese Embassy ang pagkikita nina Pangulong Marcos at Ambassador Huang.

Saad pa ng Chinese Embassy, nagpalitan ng kuru-kuro sina Pangulong Marcos at Ambassador Huang kung paano ipatupad ang pinagkasunduan ng dalawang pinuno ng estado.

Pinag-usapan din kung paano palalakasin ang diyalogo at komunikasyon, maging ang maayos na pangangasiwa sa maritime differences sa pagitan ng China at Pilipinas.

Follow SMNI NEWS in Twitter