ISINUSULONG ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang pagtatayo ng mga permanente at ligtas na bahay para sa mga pamilyang naninirahan sa mga baybayin at peligrosong lugar matapos ang pananalasa ng super typhoon Odette sa bansa na nakaapekto sa libo-libong Pilipino, upang maprotektahan ang kanilang buhay at ari-arian, lalo na kapag may matitinding kalamidad.
Kasabay nito, ipinapanukala ni Escudero sa gobyerno na ideklarang “no build” zones ang mga lugar na sa tingin nito’y delikadong tirhan ng tao at bukod pa ito sa isang nilalaman ng Republic Act 11038 o ang “Expanded National Integrated Protected Area System (NIPAS) Act of 2018” kung saan tahasang ipinagbabawal ang pagtatayo ng mga bahay at iba pang permanenteng estruktura sa mga napakapeligrosong lokasyon.
“Saksi naman ang lahat na sa kada panahon ng tag-ulan at lalo na kung may malalakas na bagyo, nagkukumahog tayong iligtas ang mga kababayan natin na nakatira sa mga baybayin at peligrosong lugar. Mailigtas man natin sila, sira at giba naman ang kanilang kabahayan at ibang ari-arian,” ayon kay Escudero na naging chairman ng Senate Committee on the Environment and Natural Resources noong 15th Congress.
“Sa pagbibigay ng tuldok sa ganitong mga eksena at pangitain tuwing may bagyo, hindi lamang dapat nakatuon ang pansin sa pagtatayo ng permanenteng evacuation center. Mas importante at higit na kailangan ng mga taong nasa baybayin at delikadong lugar ang permanente, matatag, at ligtas na tirahan kung saan sila rin ay may ikabubuhay,” dagdag ni Escudero na kumakandidato para sa Senado sa May 2022 national elections.
Binigyang-diin ni Escudero na bukod sa mga tinukoy na “no build” zones sa mga rehiyon na sinalanta ng super typhoon Yolanda noong 2013, kailangan ding maglabas ng gobyerno ng isang komprehensibong listahan na naglalaman ng lahat ng peligrosong lugar sa bansa na hindi kailanman puwedeng tirhan ng mga tao.
Habang nakabinbin ang pagkompleto sa nasabing listahan at ang buong implementasyon ng RA 11038 na nagbabawal sa pagtatayo ng mga permanenteng estruktura sa loob ng 40 metro mula sa baybayin, sinabi ni Escudero na dapat nang maghanap ang pambansang gobyerno at ang mga lokal na pamahalaan ng mga lugar ng relokasyon at maglaan ng sapat na pondo para sa pagtatayo ng mga ligtas na bahay ng mga maaapektuhang pamilya.