HANDANG sagutin ng Commission on Elections (COMELEC) ang petisyon na inihain ni Albay Governor Noel Rosal sa Korte Suprema.
Hinggil ito sa diskwalipikasyon ng kanyang kandidatura bilang gobernador noong May 2022 elections kahit pa ito ang nanalo para sa Albay.
Ayon kay COMELEC Chairperson George Garcia, hindi sila nasurpresa sa ginawa ni Rosal lalo na’t ang Korte Suprema naman ang pinakahuli na magdedesisyon kaugnay sa isyu.
Nobyembre 21 nang ihain ni Rosal ang kanyang petisyon sa Korte Suprema upang ihinto ang pagpapadiskwalipika sa kanya.
Matatandaang naunang inihain ni Joseph San Juan Armogila sa COMELEC First Division ang kanyang petisyon kung saan idinetalye dito na nalabag ni Rosal ang 45-day spending ban sa ilalim ng Omnibus Election Code.