COMELEC, hiniling sa PNP na ipatigil ang Oplan Katok sa halalan

COMELEC, hiniling sa PNP na ipatigil ang Oplan Katok sa halalan

HINDI kampante ang Commission on Elections (COMELEC) na magpatuloy ang Oplan Katok ng Philippine National Police (PNP) sa panahon ng eleksiyon.

Ayon kay Chairman Atty. George Garcia, mas mabuting suspindehin muna ito ng kapulisan para makaiwas sa isyu na baka magamit ito ng incumbent na mga kandidato o magamit para makapanakot ng mga botante.

Ang Oplan Katok ay house to house campaign daw ng PNP laban sa loose firearms o mga ilegal na baril.

Aminado ang komisyon na hindi pa nakikipag-usap sa kanila ang PNP hinggil sa naturang operasyon.

Giit ni Garcia, dahil isang deputized agency ng COMELEC ang PNP, marapat lang na makonsulta ang komisyon sa ganitong mga kritikal na programa para matiyak ang mapayapang halalan.

Adjustment na gagawin para sa resetting ng BARMM Parliamentary Elections, nakadepende sa maipapasang batas

Samantala, maraming gagawing adjustment ang COMELEC kung sakalit tuluyang ipagpapaliban ang BARMM Parliamentary Elections sa Mayo 12 kasabay ng national at local elections.

Ang panukalang batas ay lusot na sa Kamara habang pasado na ito sa ikalawang pagbasa ng Senado.

Sa bersiyon ng Senado, ire-reset ang BARMM Elections sa Oktubre ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Garcia, magdedepende ang kanilang preparasyon at adjustment para dito sa maipapasang batas.

Una na ring ipinag-utos ng komisyon na wala munang ii-imprentang balota para sa BARMM Elections dahil maaaring sa maipapasang batas ay kailangan baguhin ang paghahain ng kandidatura.

Matatandaan na ang panukalang i-reset ang BARMM Elections ay kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na ihiwalay ang Sulu bilang bahagi ng BARMM.

Nilinaw naman ng COMELEC, tuloy ang regular na eleksyon sa BARMM sa Mayo 12.

COMELEC, nakapag-imprenta na ng 3-M bagong balota para sa May 12 Elections; Pag-iimprenta ng mga balota para sa mga lokal na kandidato, sinimulan na rin

Samantala, mahigit tatlong milyong balota na ang naimprenta ng komisyon simula noong ipinagpatuloy ito noong nakaraang Lunes.

Maging ang mga balota para sa local positions ay sinimulan na ring iimprenta ng poll body.

Gayundin ang mga balotang gagamitin sa overseas voting at local absentee voting.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble