INIIMBESTIGAHAN ngayon ng Commission on Elections (COMELEC) ang isang kandidato pagka-Senador kasama ang 36 na lokal na kandidato dahil sa vote buying.
Hindi na pinangalanan ng COMELEC kung sino ang senatorial candidate ngunit sinabi nilang kabilang ito sa mga may reklamo ng vote buying na isinampa sa ilalim ng Committee on Kontra Bigay.
Nilinaw naman ng poll body na ang vote buying ay hindi lang pamimigay ng pera.
Ang iba anila ay tumutukoy sa pamimigay ng bigas, mga produkto at grocery items na konektado sa mga programang panlipunang serbisyo ng gobyerno gaya ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS); Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP); at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged o Displaced Workers (TUPAD).