SINANG-ayunan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na panatilihin ang umiiral na COVID-19 Alert Level System sa bansa pansamantala.
Nakipagpulong si Pangulong Marcos kay Department of Health Officer-In-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire at ilan pang opisyal ng DOH nitong Hulyo 18.
Ginanap ang naturang pulong sa Aguinaldo State Dining Room sa Malacañang Palace at sumentro ang pag-uusap sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Pangulong Marcos na mananatili muna ang umiiral na COVID-19 Alert Level System upang maiwasan ang kalituhan.
Ito ay habang tinatarget ng pamahalaan na ma-reclassify ang implementasyon ng restriksyon na tugma sa kasalukuyang milder strains na nagpapahirap sa mga pasyente.
Inihayag naman ng health authorities na maaari silang makabuo ng bagong alert level classifications sa kalagitnaan ng Agosto.
Sinabi ni Usec. Vergeire, isang angkop na panahon ang kalagitnaan ng Agosto upang paluwagin ang pangamba ng medical community at bigyan ng panahon ang mga ito na gawing mas ‘manageable’ ang COVID-19 cases.
Sa kasalukuyan, iniulat ni Vergeire na nakararanas ng pagtaas ng mga kaso ng coronavirus ang bansa dahil sa mas nakahahawang variant ng Omicron BA.5.
Sa pag-usbong ng bagong variants ng COVID-19, tumaas din ang immune-escaping mechanism ng virus.
Kaugnay nito, inihayag ni Pangulong Marcos na maaaring ma-improved pa ang alert level system kung makuha ng mamamayan ang kanilang COVID-19 booster shot.
Saysay naman ni Vergeire, binigyang-diin ng mga eksperto na kung ang eligible individuals ay hindi magpapabakuna at magpa-booster shot, posibleng makararanas ang bansa ng pagtaas ng hospitalizations pagsapit ng Setyembre.
Kaya’t mahalaga aniyang matukoy ang lahat ng kwalipikadong populasyon na ito bago mangyari ang naturang projection.
Samantala, binubuo na ng DOH ang mga miyembrong ahensiya ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases para lamang sa mga may ‘relevant’ at ‘intended functions.’
At habang hinihintay ang reconstitution ng IATF, sinabi ni Usec. Vergeire na i-streamline nila ang mga proseso at IATF meetings na may malinaw na mga direktiba.
Kasabay nito, gagamitin din ang platform ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na papalit sa National Task Force Against COVID-19 (NTF).